Thursday , December 19 2024
Sipat Mat Vicencio

Malabong Isko-Pacman sa 2022

SIPAT
ni Mat Vicencio

IMPOSIBLENG patulan ni Manila Mayor Isko Moreno ang ‘palutang’ na si Senator Manny “Pacman” Pacquiao ang kanyang magiging vice presidential candidate sa darating na 2022 presidential elections.

Kung inaakala ng mga political operators na mapapalundag nila ang kampo ni Isko at tuluyang makokombinsi sa sinasabing tambalang Isko-Pacman sa 2022 ay nagkakamali sila.

Malaki ang magiging problema ng kampo ni Isko kung kukunin nilang kandidatong bise-presidente si Pacman lalo na ngayong lantaran ang away nito kay Pangulong Duterte at mga politikong nagpapatakbo ng isang paksiyon ng PDP-Laban.

Hindi gugustuhin ni Isko na makuha nila ang isang kandidato na maraming kaaway dahil siguradong madadamay sila sa gagawing mga banat at atake ng mga kalaban ni Pacman lalo na sa kasagsagan ng kampanya.

Kaya nga, malabo talaga ang lumulutang na magsasama sina Isko at Pacman. Walang katotohanan ito dahil sa mga susunod na linggo, sinasabing magdedeklara na si Isko ng kanyang kandidatura bilang presidente kasama ang kanyang vice presidential running mate.

At sa rami naman ng banat at pambabalahura na tinatanggap ni Pacman kay Pangulong Duterte at mga alipores nito, nakatitiyak tayong gaganti, at sa pampangulong bakbakan lalaban ang Pambansang Kamao.

Bawing-bawi si Pacman kung magdedeklara siya ng kanyang kandidatura dahil ang pagtakbo niya bilang pangulo ay magdudulot ng pagkakahati ng boto sa magiging kandidatong presidente ng administrasyon.

Sa ngayon, ang kailangan ni Isko ay focus lang at hindi dapat patulan ang mga intriga ng kanyang mga kalaban. Tuloy lang ang trabaho para sa bayan at kung kinakailangang sumagot at ‘pumitik’ sa mga banat ng kalaban ay nararapat lang din itong gawin.

At siyempre pa, dapat din paghandaan ni Isko ang iba pa niyang mga makakalaban sa presidential race gaya nina Senator Ping Lacson, former Senator Bongbong Marcos at mismong si Pacman.

Hindi dapat maging kampante si Isko dahil ang mga nag-aambisyong maging pangulo ay mayroong maipagmamalaking solidong makinarya at organisasyon para sa kanilang kandidatura.

At kung tukoy na rin ni Isko ang kanyang magiging vice president, mabuting lumutang na rin at unti-unting ipakilala sa taongbayan bago pa ang kanilang gagawing filing ng certificate of candidacy sa Oktubre.

Tungkol sa kandidatura ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at ni Pangulong Duterte, hindi na ito kakagatin ng taongbayan dahil buko na ang mga pakulo ng mag-ama kapag dumarating ang halalan.

Sabi nga, bistado na kayo! Wala kayong ginawa kundi… atras-abante, urong-sulong, laban-bawi.

About Mat Vicencio

Check Also

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Sa 3.6-M SSS pensioners, May 13th month naaaaa!!!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IKAW! Oo, ikaw my dear friend, isa ka ba sa 3.6 …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Victory Liner Inc., goes eco-friendly

AKSYON AGADni Almar Danguilan TAMA ang inyong nabalitaan, ang Victory Liner Inc. (VLI), ang top …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *