HATAWAN
ni Ed de Leon
PAGKATAPOS ng mga bonggang announcement ng pagtalon ni John Lloyd Cruz sa Kamuning, at ang napakasayang pagsalubong sa kanya ng mga ito, na sabi nila’y 20 years na nilang hinihintay, aba bigla pang may sumingaw na problema.
Hindi kami naniniwala na budget ang dahilan, dahil nang kunin naman nila si John Lloyd tiyak na alam na nila at may inialok na silang talent fee roon para mag-comeback at lumipat sa kanila. Bakit may nagsasabi ngayon na ang talent fee ni John Lloyd, na wala namang dudang mas mataas siguro kaysa natatanggap ng ibang taga-Kamuning ng dati, ang problema?
Mas maniniwala kami kung lumabas na lumaki ang total cost dahil itinodo nang lahat ang maaaring gawin dahil malaking investment nga si John Lloyd. Alangan naman kumuha ka ng isang mahusay na actor na binayaran mo ng malaking talent fee tapos igagawa mo lang ng seryeng puchu-puchu dahil nagtitipid ka. Baka iyon ang naging problema. Alam naman natin limitado lang din ang advertisers ngayon dahil ang mga kompanya ay nagtitipid na rin, at marami nga ang nalugi na at nagsara dahil sa halos dalawang tao nang lockdown.
Pero minsan gumagawa ka ng mga malalaking shows kahit na hindi masyadong malaki ang kita dahil natatangay naman niyon ang ratings ng buong time slot, at pinagkakakitaan ng mas malaki ng ibang shows sa pareho ring slot. Iyon ang carrier show mo para sa time slot.
Pero lahat naman ng mga iyan ay puro usapan lang. Wala namang statement ang GMA tungkol diyan. Wala rin namang sinasabi ang kampo ni John Lloyd tungkol sa project. Baka naman kung nagkaroon nga ng problema ay inaayos lang nila kaya nagkakaroon ng delay. Parang malabo namang sabihing hindi na matutuloy iyon, aba malaking kahihiyan iyan para sa mga taga-Kamuning. Baka masabi pang kuha sila nang kuha ng mga artista tapos hindi naman nila mapangatawanan.
Kami naman, ang paniwala naming, matutuloy iyan dahil malaking bagay iyan sa kanilang programming. Kung bigla ngang papasok sa kanila sa isang serye si John Lloyd, at isang serye pa si Bea Alonzo, tapos ang power pa ng kanilamg estasyon ay 150Kw, tapos ang dami pa nilang provincial stations at affiliates na lahat ay bukas, aba eh sino pa nga ba ang makatatalo sa kanila?