HATAWAN
ni Ed de Leon
ANG lakas nang tawa namin nang makita ang isang edited pic ni Jose Mari Chan, nakagapos at may tape sa bibig tapos ang caption ay, “manahimik ka muna Riyan, walang pera ang mga tao.”
Obviously ginawa ang katuwaang “meme” na iyan dahil nagsisimula nang marinig ang Christmas song ni Jose Mari Chan ngayon.
Sinasabi naming katuwaan lang ang comment na iyan dahil hindi naman nakabatay sa pera ng tao iyang pagdiriwang ng Pasko, kaya nga lang ang paparating na Pasko ay ikalawa nang gumagapang sa kahirapan ang mga Filipino, at tiyak masusundan pa iyan ng marami pang Paskong walang-wala lalo’t alam naman natin ang kalagayan ng ating ekonomiya at ang utang na iiwanan sa atin ng kasalukuyang gobyerno na babayaran natin sa loob ng marami pang Kapaskuhan. Pero hindi naman siguro tama na patahimikin si Jose Mari Chan. Pabayaan nating kahit na hanggang sa kanta na lang, kailangan nating maging masaya dahil Pasko nga. Hindi natin maibabalik iyong kagaya ng mga Pasko natin noong araw, kahit na sabihin mong sampung taon pa mula ngayon. Hindi pa rin natin mababayaran ang utang na mahigit na P11-T kung mga 10 taon lang.
Nakalulungkot lang na hindi natin nadama kung saan nga napunta ang P11-T na iyon. Aba, “sako-sakong pera” nga iyon. Saan kaya gagamitin?