NADAKIP sa pinagtataguan sa Caloocan City ang isang lalaking nakatala bilang top 7 most wanted person ng Bagac, Bataan nitong Lunes, 6 Setyembre.
Sa ulat mula kay P/Col. Joel Tampis, acting provincial director ng Bataan PPO, nagkasa ang magkasanib na puwersa ng Bagac Municipal Police Station (MPS), 2nd PMFC Bataan PPO, at Northern Police District DDEU ng manhunt operation sa Tanigue St., Brgy. 14, sa nabanggit na lungsod na sinasabing pinagtataguan ng isang pugante.
Dito nila nasukol ang hindi na nakapalag na suspek na kinilalang si Edgar Letada, 33 anyos, construction worker, at residente sa Sto. Ñino Subd., Brgy. Atilano, Bagac, Bataan, kasalukuyang nagtatago sa Aco Homes, Brgy. 14, Caloocan City.
Napag-alamang may standing warrant of arrest si Letada sa paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act at Anti-Child Abuse Law na nilagdaan ni Presiding Judge Dorina Castro Baltazar, ng Balanga City Regional Trial Court-Family Court Branch 2, at walang itinakdang piyansa. (MICKA BAUTISTA)