PATAY angapat na Chinese nationals sa itinuturing na pinakamalaking ‘biyahe’ ng ilegal na droga, sa ikinasang buy bust operation sa bayan ng Candelaria, lalawigan ng Zambales, iniulat kahapon.
Nasabat ng anti-narcotics operatives nitong Martes, 7 Setyembre, ang aabot sa 500 kilo ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy bust operation laban sa apat na Chinese nationals na pinaniniwalaang pawang kasapi ng big time drug syndicate.
Kinilala ang mga napatay na suspek na sina Gao Manzhu, 49 anyos; Hong Jianshe, 58 anyos; at Eddie Tan, 60 anyos, pawang mula sa Fujian, China; at Xu Youha, 50 anyos, mula sa Quezon City.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), ikinasa ang operasyon katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamamagitan ng impormasyong ibinahagi ng Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines (AFP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at Bureau of Customs.
Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, isinagawa muna ang mahabang surveillance upang matunton at mamanmanan ang kilos ni Xu Youha, kinikilalang isa sa ‘key players’ ng mga ilegal na gawain kaugnay sa droga dito sa bansa.
Dito na isinakatuparan ng mga operatiba ang buy bust operation dakong 11:30 am sa Brgy. Libertador, sa nabanggit na bayan, matapos makipagnegosasyon ng poseur buyers para makabili ng isang kilong shabu mula sa grupo ni Xu Youha.
Nagsimula ang barilan sa pagitan ng mga awtoridad at ng mga suspek nang magtangkang tumakas ang grupo ng Chinese nationals, na nagresulta sa kamatayan ni Xu Youha at ng kanyang tatlong kasamahan.
Nasamsam sa operasyon ang 500 kilo ng hinihinalang shabu, tinatayang nagkakahalaga ng P3,400,000,000; kasama ang apat na baril, kotse, apat na cellphones, at dalawang Chinese passports.
Pahayag ni Villanueva, ipinuslit papasok ng bansa ang mga ilegal na droga sa pamamagitan ng pagdaan sa ‘international waters’ at kalaunan ay susunduuin ng mas maliit na sasakyang pandagat, saka kukunin ng mga lokal na illegal drugs distributor.
“Mayroon pa tayong pursuit na ginagawa from this operation. Hindi dito nagtatapos ang aming maigting na kampanya laban sa ilegal na droga dahil mayroon pa tayong hinahabol na mga sindikato,” ani Villanueva.
Samantala, sinabi ni PNP chief P/Gen. Guillermo Eleazar na nagpadala na sila ng mga helicopter at mga speedboat upang makatulong sa pursuit operation laban sa mga bangkang nagbiyahe ng mga nakompiskang droga. (MICKA BAUTISTA)