NASAKOTE ng mga awtoridad ang tatlong Koreano na nagtatago sa bansa nang hainan ng warrant for deportation sa lungsod ng Angeles, sa lalawigan ng Pampanga, nitong Lunes ng umaga, 6 Setyembre.
Ayon kay P/Col. Rommel Batangan, city director ng Angeles City Police Office, matapos ang court hearing ng tatlong Korean nationals sa Angeles City Regional Trial Court, agad isinilbi ng magkasamang operating units ng CIDG CFU Angeles, CIDG PFU Pampanga, Korean Police at BI-FSU ang warrant for deportation laban kina Park Seung Hoon, 39 anyos; Kwon Yo Seob, 33 anyos; at Kim Ji Soo, 42 anyos, pawang mga residente sa Forest Park Homes North, Brgy. Pampang, sa nabanggit na lungsod.
Nabatid na mayroong standing warrant of arrest ang tatlo na inisyu noong 31 Hulyo 2021 ng Busan District Court, Republic of Korea at Mission Order No. JHM-2021-081 na inisyu sa ilalim ng E.O. No. 287, s. 2000 ni BI Commissioner Jaime Morente, Fugitive Search Unit, na may petsang 3 Setyembre 2021.
Pahayag ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano De Leon, malinaw ang mensahe na kahit ang mga dayuhang pugante ay hindi magiging kanlungan ang Central Luzon. (MICKA BAUTISTA)