NATAPOS ang pitong taong pagtatago sa batas nang maaresto nitong Linggo, 5 Setyembre, ang isang lalaking may kinakaharap na kaso sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Ayon kay Nueva Ecija Police Provincial Director P/Col. Rhoderick Campo, sumugod ang mga tauhan ng San Jose City Police Station (CPS) sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Col. Criselda De Guzman, bitbit ang warrant of arrest sa Brgy. Baloc, sa bayan ng Sto. Domingo, sa nabanggit na lalawigan, kaugnay sa impormasyong nagtatago sa lugar ang isang pugante.
Dito nadakip ang puganteng kinilalang si Danilo Mico, alyas Michael Mico, binata, residente sa Brgy. Tayabo, lungsod ng San Jose, sa naturang lalawigan, at itinuturing na top 4 most wanted person ng lungsod.
Inaresto si Mico sa bisa ng warrant of arrest na nilagdaan ni Presiding Judge Leo Cecilio Domingo Bautista ng San Jose City RTC Branch 38 sa krimeng robbery.
Lumitaw sa imbestigasyon na si Mico ay pangunahing suspek sa pagnanakaw sa isang hardware store sa lungsod noong Marso 2014 kung saan naitakbo nila ang mahahalagang gamit na nasa tindahan. (MICKA BAUTISTA)