SA GITNA ng krisis dulot ng CoVid-19, nananatiling mahigpit ang pagpapatupad ng batas ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan na nagresulta sa pagkakadakip ng 21 suspek na kinabibilangan ng 15 sugarol at tatlong hinihinalang tulak ng droga, hanggang nitong Lunes ng umaga, 6 Setyembre.
Sa ulat mula kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, naaresto sa ikinasang operasyon laban sa droga ng Station Drug Enforcement Unit ng Bustos Municipal Station (MPS) ang mga suspek na kinilalang sina Marvin De Guzman, alyas Bino ng Brgy. Cambaog, Bustos; Federico Astillero, alyas Pepe ng Brgy. Malamig, Bustos; at Alberto Santos, alyas Abet ng Bgry. Makinabang, Baliuag na nakuhaan ng tatlong pakete ng hinihinalang shabu at buy bust money.
Kasunod nito, pinagdadampot ang 15 katao sa operasyon laban sa ipinagbabawal na sugal na inilatag ng mga operatiba ng Bulakan, Bustos, Marilao MPS at 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC).
Nadakip ang 10 sa 15 suspek nang maaktohan sa sugal na cara y cruz samantala nakorner ang lima sa tupada.
Gayondin, nasakote ng mga awtoridad ang tatlong suspek sa pagresponde sa iba’t ibang krimen na naganap sa mga bayan ng Pandi, San Ildefonso, at lungsod ng Meycauayan.
Kinilala ang mga suspek na sina Glen Chua ng Brgy. Cupang, Antipolo, Rizal, arestado sa kasong Theft; Raymond Medina ng Bgry. Malipampang, San Ildefonso, sa paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence againt Women and Their Children); at Robert Borjal ng Brgy. Bagong Barrio, Pandi, para sa Direct Assault Upon an Agent of Person in Authority, Alarm & Scandal, Grave Threat at Malicious Mischief. (MICKA BAUTISTA)