KALABOSO ang inabot ng isang pinaniniwalaang tulak na kabilang sa target list ng PDEA- PNP at nasamsaman ng higit P100,000 halaga ng shabu sa ikinasang buybust operation sa lungsod ng San Jose del Monte, lalawigan ng Bulacan, nitong Huwebes ng gabi, 2 Setyembre.
Magkatuwang na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bulacan Provincial Office at San Jose del Monte City Police Station (CPS) ang buy bust operation sa Brgy. Citrus, sa nabanggit na lungsod.
Sa ulat na ipinadala kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, kinilala ni PDEA-3 Regional Director Bryan Babang ang nadakip na high value target (HVT) na si Cecinio Galit, alyas Junjun Galit, 34 anyos, sa residente ng naturang lugar.
Nakompiska mula kay Galit ang mga selyadong plastic sachet na naglalaman ng mahigit sa 15 gramo ng hinihinalang shabu, may DDB estimated value na P102,000, timbangan, kalibre .38 baril na kargado ng anim na bala; at buy bust money.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs) at Section 11 (possession of dangerous drugs) ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) na nakatakdang isampa sa hukuman.
(MICKA BAUTISTA)