SIPAT
ni Mat Vicencio
HALOS magkasunod na ipinagdiwang ng pamilya Poe ang kaarawan ng yumaong Hari ng Pelikulang Filipino na si Fernando Poe, Jr., at ng kanyang anak na si Senador Grace Poe.
At alam naman natin na tuwing sasapit ang kaarawan ni Da King, tuwing Agosto 24, binabalik-balikan natin ang masasaya at magagandang alaala ni FPJ. Sino nga ba naman ang makalilimot sa mga pelikulang sinundan ng sambayanan? Sino nga ba ang hindi nabigyan ng inspirasyon sa mga kuwento ng buhay na binigyan niya ng kulay sa kanyang mga pelikula?
Gaya ng marami, isang malaking inspirasyon at impluwensiya si Da King, sa mismong kanyang anak na si Senador Grace Poe. Kaya nga, hindi maikakaila kung anong prinsipyo ang nangingibabaw sa senador habang ginagampanan ang kanyang trabaho bilang isang mambabatas.
Sa isang panayam sa senador ng aktres na si Toni Gonzaga kamakailan, binalikan ni Grace ang mga alaala at aral ng ama na nakawaksi lagi sa kanyang isipan at maituturing na kanyang “brand of service” sa pagganap ng kanyang trabaho.
Sa mata ni Grace, ang ama ang malaking halimbawa ng tunay na pagtulong sa kapwa. “You always have to be humble,” ‘yan ang unang pangaral ng ama na hindi niya maiwawaglit sa kayang isip.
“You always have to help, if you have the means to help,” ang ikalawang turo ni FPJ sa senador na kanyang ginagawa ngayon sa pagganap ng kanyang trabaho.
Kung may pagkakataon nga raw na magkikita o makakausap niya ang ama, naniniwala siyang magiging proud ito sa kanya bilang lingkod ng bayan.
Wala rin pagtanggi sa senador na hindi niya mararating ang kanyang kinalalagyan ngayon kung hindi sa kanyang ama. At proud siya rito at magpakailanman ay tatanawing utang na loob.
Kaya nga sa anumang plano, lalo sa usapin ng politika, nakaangkla sa prinsipyo na turo ng ama ang kanyang mga adhikain.