ARESTADO ang tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations, habang idineretso sa kulungan ang apat na kabilang sa listahan ng most wanted persons (MWPs) sa iba’t ibang operasyon laban sa krimen na ikinasa ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Linggo, 5 Setyembre.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, ang mga nadakip na suspek sa ikinasang anti-illegal drug sting sa mga bayan ng Angat at Balagtas na sina Virgilio Cruz, alyas Ver; at Jamarie Yu, kapwa residente sa Bgry. Poblacion, Baliuag; at Joel Anqui ng Brgy. Batia, Bocaue.
Nakompiska sa mga operasyon ang pitong pakete ng hinihinalang shabu, motorsiklo na may sidecar, at buy bust money na dinala kasama ang mga suspek sa Bulacan Crime Laboratory Office para sa kaukulang pagsusuri.
Gayondin, nadakip ang tatlong suspek sa pagresponde ng mga awtoridad sa iba’t ibang insidente ng krimeng naganap sa mga bayan ng Baliuag at Guiguinto, at lungsod ng Meycauayan.
Kinilala ang mga suspek na sina Ivy Bautista ng Brgy. Baliuag na dinakip sa entrapment operation ng mga elemento ng Provincial Intelligence Unit (PIU) sa pagkakalat ng mga imported at untaxed cigarettes; Crisanto Surigao, Jr.,, ng Brgy. Poblacion, Baliuag sa kasong Physical Injury; at Rolando Mendoza, ng Brgy. Camarin, Caloocan sa kasong Acts of Lasciviousness.
Nasakote rin sa inilatag na manhunt operation ng Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) at Hagonoy MPS ang suspek na kinilalang si Antonio Pangilinan, Jr., most wanted person ng bayan ng Hagonoy, residente sa Brgy. Sta. Elena, sa naturang bayan, sa krimeng Qualified Rape.