INARESTO ng mga awtoridad ang isang babaeng nagmamay-ari ng isang tindahan dahil sa pagbebenta ng mga pekeng sigarilyo samantala dalawang kabataang volunteer rin ang dinampot sa quarantine checkpoint dahil sa pag-iingat ng marijuana sa lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles, 1 Setyembre.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, naglatag ang mga operatiba ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) ng entrapment/buy bust operation laban sa suspek na kinilalang si Ramona De Leon, may-ari ng Arnold’s Store sa Brgy. Pinagbakahan, lungsod ng Malolos, dahil sa pagbebenta ng imported/untaxed cigarettes.
Naaktohan si De Leon na nagtitinda ng isang ream ng D&B cigarettes sa poseur buyer na naging hudyat ng pagdampot sa kanya.
Nakompiska mula sa suspek ang 32 ream ng D&B cigarettes, at walong ream ng Two Moon cigarettes.
Samantala, nadakip din ang dalawang ACCERT (Anti Crime and Community Emergency Response Team) volunteers na kinilalang sina Justine Ramos at Mark Joseph Libre, kapwa mula sa bayan ng Plaridel, dahil sa pag-iingat ng ilegal na droga.
Lumitaw sa imbestigasyon na sinita ng mga awtoridad ang dalawang suspek at pinababa sa sinasakyang motorsiklo dahil sa hindi pagsusuot ng helmet sa quarantine checkpoint sa Cagayan Valley Road, Brgy. Sta Rita, sa bayan ng Guiguinto, 7:50 pm kamakalawa.
Nang buksan ni Justine ang compartment ng motorsiklo upang kunin ang OR at CR ng motorsiklo, nakita ng pulis ang selyadong ziplock bag na naglalaman ng tuyong dahon na hinihinalang marijuana.
Gayondin, nakuha ang isa pang selyadong ziplock bag na naglalaman din ng tuyong dahon ng marijuana mula sa suspek na si Mark Joseph. (MICKA BAUTISTA)