ARESTADO ang isang lalaking nakatala bilang most wanted person (MWP) ng Central Luzon sa inilatag na manhunt operation ng nga awtoridad sa bayan ng Castillejos, lalawigan ng Zambales, nitong Martes, 31 Agosto.
Batay sa ulat mula kay P/Col. Romano Cardiño, acting provincial director ng Zambales PPO, nagsagawa ng manhunt operation ang mga operatiba ng 305th Maneuver Company, 2nd Platoon, RMFB3, Subic MPS, 2nd PMFC Zambales PPO, Castillejos MPS, PDEU Zambales at PIU Zambales sa Brgy. San Agustin, sa naturang bayan.
Nadakip sa operasyon ang suspek na kinilalang si Mark Rae Lapid, 33 anyos, binata, residente sa Brgy. Cawag, Subic, Zambales, itinuturing na isa sa most wanted persons ng rehiyon.
Nabatid na may standing warrant of arrest si Lapid sa kasong paglabag sa Section 8 at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na inisyu ni Presiding Judge Raymond Viray ng Olongapo City RTC Branch, may petsang 20 Oktubre, 2020, walang itinakdang piyansa. (MICKA BAUTISTA)