NAGSIMULA nang umarangkada ang bentahan ng parol sa Pampanga, ang tinaguriang Christmas Capital of the Philippines sa pagsisimula ng BER months.
Sinimulan nang i-display ng mga gumagawa ng parol ang kanilang mga tinda, na may iba’t ibang laki at may disenyong tala, poinsettia, reindeer, at iba pa.
Karamihan sa mga parol ay ginamitan ng LED lights, na mas matibay at mas matipid sa konsumo sa koryente.
Ngunit kompara sa mga nagdaang taon, matamlay pa ang bentahan ng mga parol ngayon epekto ng pandemya sa lantern industry sa lalawigan.
Ayon sa isang lantern maker, nasa 40 porsiyento ang ibinaba ng kanilang benta dahil sa pandemya.
Gayon pa man, hindi pa rin umano kompleto ang Pasko kung walang mga parol, na mabibili mula P1,000 pataas depende sa disenyo at laki.
Umaasa ang mga lantern maker na matatapos rin ang pandemya at muling mararamdaman ang masayang Pasko.
Ipinagmamalaki ng Pampanga ang industriya ng paggawa ng parol na pinaniniwalaang nagsimula noon pang 1908 at ginawa ni Francisco Estanislao gamit ang kawayan at makukulay na papel de Hapon.
Ang mga parol ay salamin ng katatagan ng mga Filipino at nakaranas man ng dilim, muling sisigla at magniningning, para maiparamdam ang saya sa gitna ng umiiral na pandemya. (MICKA BAUTISTA)