PATAY ang 49-anyos construction worker na siyam-na-oras nang-hostage ng kanyang apat na mga anak at tumangging sumuko sa pulisya, nitong Biyernes, 27 Agosto, sa Pandi, Bulacan.
Ayon kay P/Col. Alex Apolonio, hepe ng Pandi PNP, namatay ang suspek na si William Domer dakong 4:00 ng hapon noong Biyernes, sa Bulacan Medical Center (BMC), sa lungsod ng Malolos.
Armado ng sundang si Domer habang minamartilyo ang kanyang mga anak, at binabato ng mga bubog ang mga pulis na nasa labas ng kanilang bahay sa Willowbend Subdivision, sa Brgy. Pinagkuwartelan, dakong 9:00 pm noong Huwebes, 26 Agosto.
Nabatid na ini-hostage ng suspek ang apat niyang mga anak, edad 7-anyos pababa, nang dumating ang mga pulis para hainan siya ng warrant of arrest sa kasong Act of Lasciviousness na isinampa ng isa sa kanyang mga anak nang araw na iyon.
Nakipagnegosasyon si P/Col. Apolonio ngunit nagmatigas ang suspek at hindi sumuko sa mga pulis na darakip sa kanya.
Nagbanta si Domer na mas mabuting patayin niya ang kanyang mga anak at kanyang sarili kaysa sumuko at madakip ng mga awtoridad.
Nagkaroon ng tsansa ang pulisya na barilin sa balikat si Apolonio nang tangkain nitong pukpukin ng martilyo ang isa niyang anak sa ulo ngunit sa dibdib siya tinamaan.
Binawian ng buhay si Domer sa pagamutan habang nilalapatan ng lunas ilang oras matapos ang hostage drama.
Napag-alamang may nakabinbin pang kasong rape laban kay Domer na isinampa ng kanyang apo.