SUNOD-SUNOD na pinagdadampot ang lima kataong kinabibilangan ng isang estapador na malaon nang pinaghahanap ng batas sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Bulacan mula Sabado, 28 Agosto, hanggang Linggo ng umaga, 29 Agosto.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, kinilala ang puganteng estapador na si Eduardo Bernardo, residente sa Brgy. Malipampang, bayan ng San Ildefonso, sa naturang lalawigan.
Nadakip si Bernardo ng mga operatiba ng Bulacan CIDG PFU at San Ildefonso Municipal Police Station sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Swindling o Estafa (RPC Art. 315 as amended by P.D 1689).
Kasunod nito, naaresto rin ng mga awtoridad ang apat pang suspek sa kanilang pagresponde sa iba’t ibang krimen sa mga lugar na nasasakupan ng Sta. Maria, Bocaue, at Bustos Municipal Police Stations.
Kinilala ang mga suspek na sina Rizalito Obrado at isang CICL (child in conflict with the law) na hindi pinangalanan, kapwa mga residente sa Brgy. Masuso, Pandi na inaresto ng mga tauhan ng Sta. Maria MPS sa kasong Theft; Marlon Angeles ng San Juan Bautista, Brgy. Betis, Guagua, Pampanga, dinampot ng mga operatiba ng Bocaue MPS sa kasong Estafa; at Argel Joseph Francisco ng Brgy. Sabang, Baliwag, arestado ng Bustos MPS sa kasong Psychological Abuse kaugnay sa R.A. 7610 at Grave Threat.
(MICKA BAUTISTA)