SUNOD-SUNOD na pinagdadampot ng mga awtoridad ang isang rape suspect, 13 sugarol, at isang sangkot sa insidente ng pananaksak sa magkakahiwalay na operasyong isinagawa ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang Lunes ng umaga, 30 Agosto.
Batay sa ulat, nadakip ang 13 suspek kabilang ang isang CICL (child in conflict with the law) sa iba’t ibang operasyon laban sa ilegal na sugal na inilatag ng mga operatiba ng Meycauayan City Police Station at San Jose Del Monte City Police Station.
Nabatid na pito sa kanila ay nahuli sa aktong nagsusgal ng cara y cruz samantalaang anim ay arestado sa sugal na tong-its.
Nakompiska mula sa mga suspek ang tatlong pirasong one-peso coin na ginagamit sa cara y cruz, isang set ng baraha, at bet money.
Samantala, nasakote ng mga awtoridad ang dalawang suspek nang magresponde sa magkahiwalay na insidente ng krimen sa mga bayan ng Marilao at Plaridel.
Kinilala ang mga suspek na sina Joel Tumlod, residente ng Brgy. Lambakin, Marilao, na inaresto sa paglabag sa RA 8353 (Statutory Rape), at Albert Loquisen ng lungsod ng Caloocan, arestado sa pagtulong sa isang suspek na saksakin hanggang mamatay ang isang biktima.
Nakapiit ang mga arestadong suspek habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila sa hukuman.
Ayon kay P/Col. Lawrence Cajipe, Bulacan police director, ang Bulacan police, kahit nasa ilalim ng MECQ ay hindi magpapabaya sa kanilang kampanya laban sa lahat ng uri ng krimen sa lalawigan. (MICKA BAUTISTA)