ISANG Filipino-Chinese ang naghihimas ng rehas matapos lumabag sa Inter-Agency Task Force (IATF) guidelines at nagtangkang manuhol sa mga pulis na sumita sa kanya sa bayan ng Hermosa, lalawigan ng Bataan, nitong Linggo, 29 Agosto.
Sa ulat mula kay P/Col. Joel Tampis, provincial director ng Bataan police, kinilala ang naarestong suspek na si Brandon Ian Lua, Filipino-Chinese, residente sa Sto. Cristo, Binondo, Maynila.
Dinakip si Lua ng mga tauhan ng Hermosa Municipal Police Station at PMFC-Bataan na nagmamando ng Quarantine Control Point (QCP) sa bahagi ng Olongapo-Gapan Road, Brgy. Balsik, sa naturang bayan.
Napag-alamang habang nag-iinspeksiyon ang mga awtoridad sa mga pasahero ng Bataan Transit na pumasok sa lalawigan dakong 10:30 am kamakalawa, nabigong magpakita ng dokumento ang suspek kung siya ay Authorized Person Outside Residence (APOR) dahil nasa ilalim ng MECQ ang Bataan.
Habang tinatanong, tinangka umano ng suspek na manuhol sa isang pulis ng P1,000 na nagbunsod ng kanyang pagkakaaeresto at pagkakakulong sa Hermosa MPS Jail.
Inihahanda ang kasong paglabag sa RA 11332 at Corruption of Public Official na isasampa laban kay Lua. (MICKA BAUTISTA)