IPINAG-UTOS ni PRO3 Regional Director P/BGen. Valeriano De Leon ang agarang pag-aresto at pagsasampa ng kaso laban sa isang bagitong pulis at kasama niya matapos ireklamo ng pangmomolestiya sa isang babaeng kanilang hinuli sa paglabag sa quarantine protocols (Unauthorized Person Outside Residence), nitong Biyernes, 27 Agosto, sa bayan ng Mariveles, lalawigan ng Bataan.
Inakusahan ng pangmomolestiya ng 19-anyos biktima, si Pat. Elmer Tuazon, Jr., 25 anyos, may asawa, nakatalaga sa 2nd PFMC Lamao, Limay at bahagi ng Quarantine Control Point (QCP) ng Brgy. Batangas 2, sa nabanggit na bayan, gayondin ang kasama ng pulis na si Armando Dimaculangan, 53 anyos, may asawa, Marshall Team Leader, residente sa naturang barangay na inireklamo ng panghihipo sa maseselang parte ng katawan ng biktima sa bahay ng pulis.
Lumitaw sa imbestigasyon, ang dalawang suspek, ay naka-duty sa Quarantine Control Point, nang sitahin ang biktima bilang Unauthorized Person Outside Residence (UPOR) saka dinala sa boarding house ni Pat. Tuazon na inakala niyang bahagi ng community service.
Nabatid na pagdating sa bahay ng pulis, naranasan ng biktima ang kalbaryo sa mga kamay ng dalawang suspek.
Matapos ang insidente, isinumbong ng biktima sa mga awtoridad ang pangmomolestiya ng dalawang suspek na kaagad na nagresulta sa agarang pagkakadakip sa kanila.
Nakatakdang sampahan ng kasong rape by sexual assault si Pat. Tuazon at kasong acts of lasciviousness si Dimaculangan.
Samantala, ipinag-utos ni Chief PNP, Gen. Guillermo Eleazar na magsagawa ng agarang summary dismissal proceedings laban kay Pat. Tuazon sa darating na Huwebes, 2 Setyembre.
“Humihingi ako ng paumanhin sa biktima at sa kanyang pamilya dahil sa kanyang sinapit at tinitiyak ko sa inyo na makakamit ninyo ang hustisya rito,” pahayag ni P/Gen. Eleazar.
Hinihimok din ng hepe ng pambansang pulisya ang publiko na huwag mag-atubiling isuplong ang mga pulis na sangkot sa mga parehong insidente.
(MICKA BAUTISTA)