NADAKIP ANG isang pinaniniwalaang big time drug peddler sa ikinasang drug sting ng mga awtoridad na nagresulta sa pagkakakompiska ng milyon-milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang Chinese national nitong Sabado ng tanghali, 28 Agosto, sa Sta. Ana, Maynila.
Naikasa ang operasyon sa pamamagitan ng magkasanib na pagsisikap ng mga operatiba mula sa PDEA Central Luzon, PDEA Manila District Office, at lokal na pulisya.
Sa ulat na ipinadala kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, kinilala ni PDEA-3 Regional Director Bryan Batang ang naarestong suspek na si Herwin Tee, Chinese national, 38 anyos, residente sa Sta. Ana, Maynila.
Nakuha mula sa suspek ang tatlong nakataling selyadong plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na halos 500 gramo at tinatayang nagkakahalaga sa Dangerous Drug Board (DDB) ng P3,400,000; at buy bust money.
Ayon kay Batang, sangkot si Tee sa pagkakalat ng bulto-bultong shabu sa Bulacan at mga kalapit-bayan sa Pampanga at nasa kanilang radar na simula pa noong Hulyo ng nakaraang taon.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs) ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (M. BAUTISTA)