ARESTADO ang dalawang hinihinalang kobrador sa dalawang magkahiwalay na operasyon kontra sa lahat ng uri ng ilegal na sugal sa Quezon City batay sa malawakang kampanya na inilunsad ng National Capital Region Police Office sa Metro Manila.
Matatandaan na iniutos ni NCRPO chief P/MGen. Vicente D. Danao, Jr., ang pagtutok sa operasyon kontra ilegal na sugal bilang bahagi ng pagpapanatili ng pulisya sa kaayusan at kapayapaan sa komunidad habang patuloy na kumikilos ang pamahalaan kontra pandemya.
Nagsagawa ng magkakahiwalay na operasyon ang Quezon City Police District Special Operation Unit (DSOU) sa nasasakupan ng QCPD Station 2 sa pamamamahala ni P/LtCol. Ritchie R. Claravall matapos lumutang na patuloy pa rin ang operasyon ng mga ilegal na sugal sa lungsod.
Nasakote habang nangongolekta ng kaniyang pataya sa kapwa tricycle drivers ang suspek na si Ernesto Pancho y Peralta, 54 annyos, at naninirahan sa San Pedro St., San Francisco Del Monte noong 26 Agosto sa Frisco terminal sa Tolentino St., Barangay San Fracisco Del Monte.
Nakompiska sa suspek ang listahan ng mga taya sa loteng, ballpen, at P480 cash na koleksiyon o pataya.
Samantala, naaresto si Ma. Cecilia Hernandez Y Macarasig, 42 annyos, residente sa 136 Scout Chuatoco St., Barangay Roxas District sa lungsod dakong 3:30 pm noong 18 Agosto sa loob ng lotto outlet na matatagpuan sa 180 Kaingin Road, Barangay Apolonio Samson, Quezon City habang nasa akto ng pagongolekta ng mga taya.
Nagkasa ng operasyon ang DSOU matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay sa patuloy na operasyon ng pagpapataya ng suspek sa Lotto outlet na nasa Barangay Apolonio, Samson, Quezon City sa kabila ng deklarasyon ng enhanced community quarantine (ECQ).
Kinompiska ng pulisya ang mga resibo ng pataya, teller machine, at koleksiyon habang mabilis na nakatakas ang mananaya ng suspek.
Sinampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek sa City Prosecutors’ Office kaugnay sa paglabag sa Presidential Decree 1602.
(HATAW News Team)