WALANG kawala ang isang lalaking malaon nang pinaghahanap ng batas dahil sa kasong panggagahasa matapos makorner ng pulisya sa bayan ng Sto. Tomas, lalawigan ng Pampanga, nitong Miyerkoles, 25 Agosto.
Sa ulat mula kay P/Col. Arnold Thomas Ibay, provincial director ng Pampanga PNP, naglatag ang mga elemento ng Sto. Tomas Municipal Police Station at TSC RMFB3 ng manhunt operation sa Tizon St., Brgy. Poblacion, sa nabanggit na bayan.
Nagresulta ito sa pagkakadakip sa suspek na kinilalang si Joemarie Nucum, nakatala bilang isa sa most wanted persons ng Sto. Tomas MPS, 27 anyos, tattoo artist, at residente sa naturang lugar.
Inaresto si Nucum sa bisa ng warrant of arrest sa kasong paglabag sa Article 266-A ng Revised Penal Code (Rape) at RA 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) na nilagdaan ni Presiding Judge Robert Alexander Malig ng San Fernando, Pampanga RTC Branch 45, may petsang 15 Marso 2021. (MICKA BAUTISTA)