BINAWIAN ng buhay ang isang lalaki matapos manlaban sa mga awtoridad na aaresto sa kanya sa checkpoint kaugnay sa ninakaw na motorsiklo sa bayan ng Pandi, lalawigan ng Bulacan, nitong Huwebes, 26 Agosto.
Sa ulat na ipinadala ng Pandi Municipal Police Station kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, napatay ang hindi pa kilalang motorcycle thief nang makipagbarilan laban sa mga elemento ng Pandi MPS na nagkasa ng hot pursuit operation sa Brgy. San Roque, sa naturang bayan.
Lumilitaw sa imbestigasyon, ang biktimang kinilalang si Ramon Duran ay nag-report sa himpilan ng Pandi MPS na ang kanyang kulay pula at itim na motorsiklong Honda Wave, may plakang AC23011 ay ninakaw ng hindi kilalang suspek.
Nabatid na abala ang biktima sa pagbubukas ng gate ng kanyang bahay sa Pandi Residence 3, Brgy. Mapulang Lupa, dakong 12:50 am nang agawin ang kanyang motorsiklo.
Mabilis umanong pinaharurot ng suspek ang motorsiklo papunta sa direksiyon ng bayan ng Bocaue ngunit agad itong naiulat sa pulisya at nakaalarma na.
Pagsapit sa local executive checkpoint sa Brgy. San Roque, naispatan ng mga awtoridad at sinenyasan upang huminto.
Imbes tumigil ay patalilis na tumakas ang suspek at pinaputukan pa ang mga operatiba hanggang magkaroon ng habulan.
Sa ilang minutong habulan at palitan ng putok, bumulagtang wala nang buhay ang suspek, kung saan narekober ang isang kalibre .38 rebolber, mga basyo ng bala, at ninakaw na motorsiklo.
Walang nakuhang anomang dokumento sa kanyang pag-iingat kaya inaalam pa ng mga tauhan ng Pandi MPS ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek. (MICKA BAUTISTA)