AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
NAGMISTULA nga bang miting de avance ang selebrasyon kamakailan ng 143rd Quezon Day na nitong 19 Agosto 2021 sa kapitolyo ng lalawigan ng Quezon?
Hala! Bakit, ano bang nangyari?
Paano kasi, sa halip na hinggil sa legacy at kadakilaan ni yumaong dating Pangulong Manuel Luis Quezon ang bigyang halaga o talakayin sa talumpati ng mahal nilang gobernador na si Danilo Suarez ay napunta sa pondong panlalawigan ang usapin.
Ganoon ba? Totoo ba ito Gov. Saurez? Teka, hindi ba karapatan ni Suarez kung ano ang kanyang sasabihin sa kanyang talumpati? Freedom of speech nga ‘ika ng marami?
Ano pa man, sa nangyari ay may mga kawani at opisyal ng kapitolyo, at mga mamamayan ng lalawigan na nakasaksi sa selebrasyon ang desmayado.
Hala bakit naman? E kasi usaping budget – budget ng lalawigan ang laman ng talumpati. Teka, masama bang pag-usapan ang budget? Hindi naman, kaya lang ay…ano ba ang isineselebra? Maging ang isa nga raw sa mga bisita ay mistulang naligaw.
Inaasahan kasi ng mga constituent ni Gov. (sa kanyang talumpati) na patungkol sa lalawigan o partikular sa mga legasiya at kadakilaan ni Pangulong Quezon, ang bibigyan ng prayoridad imbes ang naging usapin hinggil sa nabinbing 2021 Annual Budget ng lalawigan.
Ganoon ba? Ayaw n’yo ba iyong… atik ang pag-uusapan? Hehehehe…sino ba ang hindi nangangailangan ng atik? Hehehehe…eleksiyon 2022!
Nakadedesmaya nga naman dahil kung totoo man ang akusasyon ay masasabing hindi angkop sa okasyon ang tinalakay.
Sinasabing kaya lang naman desmayado ang marami dahil halos araw-araw nang tinatalakay ng mga tagapagsalita ng kapitolyo ang budget sa media, kaya maging sa selebrasyon ng Quezon Day ay pera-pera pa rin ang tatalakayin?
Sa okasyon, isa sa bisita si Presidential Spokesperson Harry Roque. Bisita na nagmistulang Provincial spokesman umano ng kapitolyo.
Hayun, nag-amoy politika ang okasyon dahil sa magaspang na diskurso ni Roque na naturingang abogado, dating kongresista at law professor.
Sa uri ng talumpati ni Roque, sinabi ng mga kawani na nagmistulang entablado sa miting de avance ang monumento ng yumaong pangulo dahil sa ginawang pagtuligsa sa mga kalaban sa politika ni Gob. Suarez na kanyang kaibigan at dating kasama sa Kongreso.
Eleksiyon 2022! Hahahaha…ano pa nga ba ang aasahan ninyo?
Iyon nga lang, sana man lang ay kaunting respeto lang sa dating Pangulo ng bansa, si Manuel Luis Quezon. Isang beses nga lang sa loob ng isang taon isineselebra ang panggunita sa legasya na iniwan ng dating pangulo, tapos sasamantalahin pa ang okasyon para sa ibang bagay? Respeto naman diyan sa dating pangulo.
Ops, hindi ko naman sinasabing binastos ni Gov. Suarez ang dating pangulo at sa halip…ay kung totoo ang kinokondena sa nangyari sa selebrasyon ay sana huwag nang maulit sa susunod…’ika nga sana ibagay ang lahat sa bawat isineselebrang okasyon.
Ano pa ba Gov. Suarez, totoo bang sinamantala ninyo ang okasyon… at nagmistulang miting de avance?
* * * * *
MAGANDANG balita sa panahon ng pandemya!
Ikinatuwa ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang landmark milestone project na Novaliches-Balara Aqueduct 4 (NBAQ4) dahil matagumpay na tumagos sa La Mesa Reservoir ang gamit nitong tunnel-boring machine (TBM) mula sa entry shaft nito sa Balara, Quezon City na may 7 km ang layo.
Ang flagship project ng Manila Water, ayon kay MWSS Board of Trustees Chairman and OIC Administrator Gen. Reynaldo Velasco (Ret.), ay malaking bahagi ng water security program ng administrasyon.
Malaking bagay ang bagong aqueduct na NBAQ4 upang hindi maapektohan ang water supply ng mahigit 7 milyong populasyon sa East Zone concession area ng MWSS. Kinakailangan na rin kasing isailalim sa rehabilitation ang tatlong lumang Aqueducts na itinayo noon pang 1929, 1956, at 1986.
Nasa ilalim rin ng NBAQ 4 project ang pagtatayo ng bagong intake facility sa La Mesa, paglalatag ng 1,000-MLD underground aqueduct, at konstruksiyon ng outlet facility sa BTP.
Dahil diyan ay pinuri ni Gen. Velasco ang Manila Water dahil matagumpay nitong naisagawa ang nasabing water security component flasgship project.
WATER SUPPLY
Maituturing na isa sa pinakamalaking water supply infra project ang NBAQ4. Ito ay may budget na P5.5 bilyones. Maglalatag din ang Manila Water ng pang-apat na aqueduct mula La Mesa Reservoir papuntang Balara Treatment Plants (BTP) 1 at 2 upang masiguro na magiging maayos ang raw water transmission system.
Ang NBAQ4 ang kauna-unahang proyekto sa Metro Manila na gumamit ng TBM technology. Tinawag itong TBM “Dalisay” at ito ay naglatag ng tubong may habang 7.3-kilometers at 3.1-meter diameter sa ilalim ng Commonwealth Avenue. Ang susunod na proses ay ang pagbabaklas ng TBM Dalisay at ang mga accessories nito. Pagkatapos ay saka sisimulan ang pagtatayo ng intake tower, outlet tower, at downstream network system. Inaasahang matatapos ang proyektong ito sa June 2022.
Kasama ng Manila Water ang project management consultant firm na Arup, at ang NOVABALA joint venture na kinabibilangan ng mga design at building contractors na CMC di Ravenna (Italy), First Balfour, Inc. (Philippines), at Chun Wo Engineering (Hong Kong).