SIPAT
ni Mat Vicencio
KUNG inaakala ni Senador Vicente “Tito Sen” Sotto III na mananalo siya bilang kandidato sa pagka-bise presidente, nagkakamali siya dahil tiyak na sa pusalian dadamputin ang kanyang kandidatura sa darating na 2022 elections.
Walang kalaban-laban itong si Tito Sen sa mga pambato sa vice presidential race at mainam kung hindi na lang niya ituloy ang pagbangga sa mga bigating kandidato gaya nina dating Senador Bongbong Marcos, Senador Grace Poe, at Vice President Leni Robredo.
At paano na kung tumakbo pa talaga sa pagka-bise presidente itong si Pangulong Digong?
Maliban sa ipinagmamalaking kasikatan dahil sa kanyang papel sa Eat Bulaga, Iskul Bukol, at VST & Company, walang masasabing makabuluhang ambag si Tito Sen sa pag-angat ng kabuhayan ng maliliit nating kababayan sa kabila nang itinagal nito bilang isang politiko.
Tulad ng kanyang presidential runningmate na si Senator Ping Lacson, napakaraming kontrobersiyang kinasasangkutan nitong si Tito Sen, kabilang na rin ang papel na ginagampanan niya sa Senado kung tunay ba siyang oposisyon o lihim na kakampi ni Pangulong Digong.
At sino ba ang makalilimot sa pagkamatay ng artistang si Pepsi Paloma? Hindi ba’t hanggang ngayon ay buhay sa kamalayan ng taongbayan ang ginawang pagpapakamatay ni Paloma at marami pa rin ang nagtatanong kung mayroon bang kaugnayan sa pangyayaring ito si Tito Sen?
Ang akusasyong plagiarism o pangongopya ni Tito Sen nang magtalumpati kontra sa Reproductive Health (RH) bill sa Senado? Dahil dito, marami ang nagreklamo laban sa kanya at hiniling na disiplinahin ang senador sa ginawa niyang pangongopya.
Hindi ba’t tinangka rin ni Tito Sen na baguhin ang huling linya ng Pambansang Awit ng Filipinas na Lupang Hinirang? Sa halip daw na “ang mamatay nang dahil sa ‘yo” ay palitan na lamang daw ito ng linyang “ang ipaglaban ang kalayaan mo.”
Kamote!
Ilan lamang ito sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan ni Tito Sen at tiyak na babalikan ito ng mga botante para suriin at sukatin kung nararapat ba siyang ihalal bilang pangalawang pangulo.
Maraming dapat sagutin si Tito Sen, at sa gagawing paghuhusga ng taongbayan, sana ay malusutan niya ang mga eskandalong ito. Pero tuloy na nga si Tito Sen, wala siyang pakialam at sa kanyang postura at mga pahayag, wala nang makapipigil sa kanyang kandidatura.
Sabi nga sa kantang Iskul Bukol… Iskwelang kwela ‘to dito’y enjoyable/Konting aral lang konting bulakbol/Dito nang lahat, madaldal at bulol/Dito na nga, Iskul Bukol/
Ah hah hah, ah hoo yahh/Iskul Bukol/Ah hah hah,/ ah hoo yeah/Iskul Bukol…