NADAKIP ng pulisya ng tatlong hinihinalang mga tulak at dalawang drug user sa pagpapatuloy ng kampanya laban sa ilegal na droga sa lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Linggo ng umaga, 22 Agosto.
Sa ulat mula kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, kinilala ang tatlong tulak na sina Vicente Lachama, alyas Enteng, ng Brgy. Igulot, Bocaue; Jeremy Valeros ng Brgy. Batia, Bocaue; at Angelito Gonzales ng Brgy. San Juan, San Ildefoso, pawang sa nabanggit na lalawigan.
Naaresto ang mga suspek sa ikinasang buy bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Balagtas MPS at San Ildefonso MPS.
Nasamsam mula sa mga suspek ng mga operatiba ang kabuuang limang pakete ng hinihinalang shabu at buy bust money.
Kasunod nito, sa pagresponde ng mga tauhan ng Marilao MPS kaugnay sa reklamong may lumalabag sa social gathering, naaktohan nila ang dalawang lalaki na nasa kasagsagan ng kanilang pot session.
Kinilala ang dalawang suspek na sina Jerickson Torres ng Brgy. Gatbuca, Calumpit, at June Patrick Sotayco ng Brgy. Patubig, Marilao.
Narekober mula sa kanila ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu, belt bag na naglalaman ng kalibre .22 na may long magazine at kargado ng apat na bala, isang ginupit na pakete na may shabu residue, at drug paraphernalia.
Kasalukuyang nakakulong sa Marilao MPS Jail ang dalawang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)