TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman
NAMEMELIGRO si Rodrigo Duterte dahil iimbestigahan ng International Criminal Court (ICC) ang mga patayan mula 2010 hanggang 2019, ang taon na tinanggal ni Duterte ang bansa sa hurisdiksyon ng ICC.
Lalong naging masikip para kay Duterte ang sitwasyon nang katigan ng Korte Suprema ang ICC.
Dito nangatog ang tuhod ng matanda dahil nagbabadya ang paghimas niya sa malamig na rehas ng kulungan. Dahil sa pahiwatig ng ICC, at pagsang-ayon ng Korte Suprema sa panig ng ICC, nagkukumahog si presidential ‘spooksman’ Harry Roque na idepensa ang kanyang pangulo.
Aniya: ang desisyon ay “obiter dictum” o opinyon ng isang mahistrado. Himayin natin ang argumento ni Roque.
Kapag sinabing obiter dictum, isang legal term sa Latin, ibig sabihin sa Ingles “in passing” o nasabi lang ng isang hukom, ngunit ang Korte Suprema ay isang “collegial body” kaya ang desisyon ay ginagawa ng isang pulutong o grupo ng mahistrado at hindi ng isang huwes lang.
Makikita na nilalaro ni Mr. Roque ang publiko sa pamamagitan ng paggamit ng mga salitang Latin na walang kinalaman sa aktuwal na kaso, dahil hindi ito ang tunay na nangyari. Kaya sa opinyon ko pulos kabulaanan ang depensa niya para sa presidente.
Sa opinyon ko, at Iinglisin ko na lang:
“Harry Roque deserves to be in the receiving end of a testicle takatak.”
Kung hindi n’yo alam ano ang testicle takatak paki-Google na lang.
***
Nagbubunyi ang mga kababayan natin dahil sa panalo ng Filipinas ng kauna-unahang medalyang ginto sa Olimpiada. Nangyari ito noong makuha ni Hidilyn Diaz ang medalyang ginto sa weightlifting na tinalo niya ang isang world record holder na taga-Tsina.
Ang kategorya kung saan nanalo si Hidilyn ay ang “clean and jerk” na pinakamahirap na kategorya sa larangan ng weightlifting. Si Hidilyn ay kasapi ng Hukbong Panghimpapawid ng Pilipinas. Nangilid ang luha habang siya ay sumasaludo sa watawat habang pinatutugtog Ang Pambansang Awit.
Mula nang lumahok ang Filipinas sa Olympics noong 1926, ngayon pa lang nanalo ang bansa ng gintong medalya.
Matatandaan na unang naging matunog ang pangalan niya noong 9 Mayo 2019, nang idawit siya ni Salvador Panelo sa Oust Duterte Matrix. Noong mga panahon na iyon abala si Hidilyn sa kanyang ensayo at ito ang kanyang sinabi: “Sana ‘wag kayong gano’n na idadawit ang pangalan ng isang tao na sobrang busy at sobrang isinakripisyo ang lahat para sa Filipinas, ginagawa ang lahat para irepresenta ang Filipinas sa weightlifting, sa Philippine sports and suddenly ilalagay lang ang pangalan sa isang matrix na walang basehan.”
Nagsalita noon si Panelo tungkol sa isiniwalat niyang Oust Duterte Matrix na ayon sa kanya sangkot si Hidilyn.
Ani Panelo: “The diagram contained in the slide includes other accounts that Mr. Rodel (Jayme) is actively following, to visualise his character, as well as his political and social interests. It is in this context that the names of Misses (Gretchen) Ho and (Hidelyn) Diaz appeared.”
Fast-forward tayo sa 26 Hulyo 2021, at nag-about-face si Mr. Panelo: “Her feat makes us Filipinos proud. Her getting the gold is a testament to the Filipino race’s talent and indefatigable spirit. It serves as an inspiration to all Filipino athletes that getting gold in the Olympics is no longer a dream but a reality. Congratulations Hidilyn Diaz!!!”
Habang isinusulat ko ito, napag-alaman ko na dumistansiya ang Malacañang sa issue ng Oust Duterte Matrix ni Sal Panelo. Bagaman, hindi ito pinansin ng Zamboangueña, bagkus, pinag-igihan niya ang pagsasanay at sa kalaunan naiuwi niya ang gintong medalya na halos 100 taon pinupuntirya ng bansa.
Masdan natin ang larawan ng mga palad ni Hidilyn na puno ng kalyo at paltos at mababatid natin na ito ay bunga ng libo-libong beses niyang pagbubuhat ng mabigat na barbel.
Dito makikita na hindi lang ang bigat ng bakal ang pasan ni Hidelyn. Pasan din niya ang bigat ng responsibilidad na iniatas sa kanya ng sambayanan. Dahil dito nagpapasalamat kami.
Mabuhay ka!
***
MGA PILING SALITA: “Do you want to know my view of the Philippines? My view is that there are a whole lot of good, honest, decent, capable people here. They just aren’t in charge. Scoundrels are paid to keep it that way.” – Joe America
“Tatakbo akong muli. Hindi ako susuko. Tuloy ang laban. Sisingilin ka namin sa anim na taon na pambabalasubas mo sa ating bansa.” – Leila de Lima
“Fun fact: Duterte’s sole contribution to the return of the Balangiga bells was to agree to the conditions laid down by the US Congress.” – Bob Coutie