HARD TALK!
ni Pilar Mateo
NADAANAN ko ang madalas ko naman na ring nasisilip na vlog ni Dr. Vicki Belo na may celebrities siyang nakakatsikahan. Gaya ng sabi niya, to share some of life’s lessons.
Si Dani Barretto. Na Mrs. Xavi Panlilio na.
Nagpadagdag ng baba kay Dra. Vicki ang anak nina Marjorie at Kier Legaspi.
At sa kuwentuhan, na-focus ang tsikahan sa kanyang pamilya. Lalo na sa amang si Kier.
Marami ang nam-bash kay Dani dahil sa tinuran nito na never niyang nakasama sa alinmang birthday celebration niya, mula nang isilang siya ang ama.
Kaya, maloloka ka naman sa mga kakilala ng pamilya na naglabasan ng kanya-kanyang souvenir ng ilang kaarawan nito at iba pang mga larawan na kasama ang ama.
Inamin din naman ni Dani na taon na ang binibilang na hindi na sila nagkikitang mag-ama dahil sa isang insidente ng kanilang away.
Nasabi rin ni Dani na sa isang punto ng madilim na kabanata sa buhay niya, sa Lola Hershey (na dakilang ina ni Kier) siya tunatakbo at nananahan at close naman daw sila.
Kaya nagtataka ang mga tao kung bakit ini-echa fuera niya ang ama sa pamamagitan ng patuloy na pagsasabi ng mga hindi pa rin kanais-nais na mga bagay dito.
Ginagawa na tuloy silang butt of jokes ni Julia. Na tila ‘ata ang kompetisyon sa kanila eh may kinalaman sa pagpapahiya sa kanilang mga ama.
Makikita naman ang mga netizen na sige rin ang pagtatanggol kay Kier, lalo sa mga nakakakilala na rito sa matagal na panahon.
Maliliit pa kami, kilala ko na ang mga magulang ni Kier. Kumpareng buo ng tatay ko ang tatay niya. Kasi, ninong si Tito Lito ng kapatid ko.
Sa showbiz, mas nakilala ko na si Kinakapatid. Kaya alam mong galing ito sa matinong pamilya.
Sabi ni Dani, well-raised siya ng ina. Kaya kudos should go to Marjorie.
Ang say lang ng netizens, kung pinalaki siyang maayos, sa ating kultura na pinahahalagahan ang pagrespeto sa mga magulang, hindi naman tama na porke hindi na siya lumaking kasama ang ama eh, mawawalan na siya ng paggalang dito.
Marami ang gusto lang paalalahanan si Dani. Na it’s about time. Na isa na siyang maybahay at ina. Na bigyang respeto na niya ang ama. Na hindi mariringgan ng masasamang salita laban sa anak.
Magkakaroon sigurado ng maraming anak si Dani. Pero at the end of the day, iisa at nag-iisa lang ang naging dahilan para mabuhay siya sa mundo. Ang kanyang ama.
Ang alam ko, walang anak na makapagtatakwil ng ama. Pero kapag ang ama ang nagtakwil sa anak, huwag ipahintulot ng mahabaging Diyos, ha?
Short of saying, karma is just around the corner.
Ayaw ng Pinoy o kahit sino pa man ng walang respeto at alibughang anak!
Sana, ayusin! Nilang dalawa!