MASAYANG-MASAYA ang Kapuso teen actor na si Miggs Cuaderno dahil mapapanood na sa Netflix ang kanilang pelikulang Magikland. Simula August 1 ay available na sa naturang streaming site ang pelikula na naging entry sa nakaraang Metro Manila Film Festival.
Wika ni Miggs, “Napasigaw po ako, kasi nagulat ako… akala ko po hindi nila ipalalabas sa Netflix.
“Sobrang saya ko po talaga, maagang birthday gift po ito sa akin. Sa August 8 po kasi ang birthday ko. Kaya po sana sa August 1, mag-watch po kayo sa Netflix ng Magikland, birthday gift n’yo na po sa akin.”
Aniya, “First time po na mapapanood ako sa Netflix, super-saya ko po at nakaka-proud makasama sa Magikland movie na maraming awards na napanalunan sa MMFF.”
Sa Magikland, gumanap si Miggs bilang si Boy Bakunawa. Apat silang bata rito na nagkatagpo dahil sa isang video game at si Miggs ang leader nila.
Ang pelikula ay tinatampukan din nina Jun Urbano, Bibeth Orteza, Elijah Alejo, Princess Rabarra, Joshua Eugenio, Hailey Mendez, Wilma Doesn’t, Jamir Zabarte, Kenken Nuyad, at iba pa. Ito’y sa pamamahala ni Direk Christian Acuña.
Nabanggit niya ang highlights ng kanilang pelikula.
“Naku, napakaganda po ng CGI (Computer Graphics Imagery) nito! Pang-ibang bansa po ang computer graphics at ang camera na ginamit, ang pagkakaalam ko po, ang movie na ito ang unang may ganoon na camera rito sa Filipinas.
“Ang highlight po ng movie ay ang mga fight scenes at adventures naming magkakaibigan.”
Idinagdag ni Miggs, ang kanilang pelikula ay hindi lang para sa mga bata.
Esplika niya, “For all ages po ang Magikland, magugustuhan ng lahat mula bata, teens, hanggang matanda po. Kasi pang family ang kuwento po nito e. Tapos ‘yung computer graphics niya, talagang napakaganda po.”
Bukod sa pelikula, katatapos lang ng serye nilang Agimat ng Agila starring Bong Revilla.
Si Miggs ay endorser din ng Contis, Geely, Juan Hand, Buko Juan, TEEQLO, at The Great Walker.
Nonie Nicasio