BUMAGSAK sa kamay ng batas ang isang lalaking itinuturing na pinakamapanganib na kriminal sa lungsod ng San Jose del Monte, lalawigan ng Bulacan, nang dakpin ng mga awtoridad sa kanyang pinaglulunggaan.
Batay sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang suspek na si Jerome Quiling, 41 anyos, residente sa Blk. 11 Lot 14 Phase M, Brgy. Guijo, Francisco Homes, sa nabanggit na lungsod.
Nakatala bilang ‘most wanted person’ ng lungsod, naaresto si Quiling sa ikinasang manhunt operation sa Brgy. Poblacion I, nitong Miyerkoles, 21 Hulyo, ng magkasanib na elemento ng SJDM CPS, 2nd PMFC BULPPO, PHPT Bulacan, 301st MC, RMFB-3 at 24th Special Action Company (SAF).
Nabatid na si Quiling ay may mga standing warrants of arrest na kinabibilangan ng apat na bilang ng kasong Qualified Rape na walang itinakdang piyansa; paglabag sa dalawang bilang ng Sec. 5 (b) ng RA 7610; paglabag sa Sec. 5 (b) ng R.A 7610, na lahat ay nilagdaan ni Judge Ma. Cristina G. Juanson ng San Jose del Monte Regional Trial Court Branch 5FC, may petsang 2 Hulyo 2021. (MICKA BAUTISTA)