NADAKIP ang limang hinihinalang tulak ng ilegal na droga at limang iba pa sa magkakasunod na operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan nitong Martes, 20 Hulyo.
Batay sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, nagresulta ang buy bust operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng mga municipal police stations ng Angat, Bocaue, at Norzagaray sa pagkaaresto ng mga suspek na kinilalang sina Mark Anthony Quiambao, alyas Tune, at Dodgie Carlo Cruz, kapwa ng Brgy. Poblacion, Bustos; Edzel Sanchez ng Brgy. Marungko, Angat; Reyjhon Obiña ng Brgy. FVR, Norzagaray; at Raymond Capiral ng Brgy. Abangan Norte, Marilao.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang siyam na pakete ng hinihinalang shabu, cellphone, motorsiklo, at buy bust money.
Nasakote rin ang tatlong suspek sa pagresponde ng mga awtoridad sa iba’t ibang insidente ng krimen sa mga bayan ng Bocaue, San Miguel, Sta. Maria, at lungsod ng San Jose Del Monte.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Jomari Robles ng Brgy. Salacot, San Miguel, sa kasong paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence against Women and Their Children; Ryan Emeterio ng Brgy. Mag-asawang Sapa, Sta. Maria, sa kasong Frustrated Homicide; at Ryan Miguel Santos, sa mga kasong Theft at Threat in relation to RA 7610 o Anti-Child Abuse Law.
Gayondin, nasukol si Mastura Tuya ng Brgy. Paradise III, San Jose del Monte, ng mga elemento ng SJDM CPS at 24th SAF Company dahil sa kasong paglabag sa RA 10591 o Illegal Possession of Firearms, na nakukhaan ng isang unit ng Pistol Armscor, kargado ng bala at tatlong magasin.
Samantala, sa inilatag na manhunt operation, nasakote si Daisy Besa ng Brgy. Longos, Meycauayan ng magkasanib na puwersa ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) at Meycauayan CPS sa paglabag sa RA 10175 o Cyber-Libel Prevention Act of 2012. (MICKA BAUTISTA)