NAGPOSITIBO sa COVID-19 ang isang bangkay na tatlong araw nang pinaglalamayan sa bayan ng Guiguinto, lalawigan ng Bulacan, base sa pinakabagong dokumentong inilabas ng Bulacan Medical Center (BMC).
Pinaniniwalaang nalagay sa peligro ang kalusugan ng magkakaanak at ang mahigit 100 nakiramay at dumalo sa nasabing burol.
Nabatid na noong 11 Hulyo isinugod sa pagamutan si Maria Katrina Santos, 34 anyos, dahil sa pamamanhid ng katawan.
Mula sa Polymedic Hospital sa naturang bayan, agad siyang inilipat sa Bulacan Medical Center sa lungsod ng Malolos, na nakitaan ng pagdurugo sa bahagi ng kanyang utak.
Binawian ng buhay si Santos kinabukasan at pumayag ang kanyang pamilya na isailalim siya sa RT-PCR swab test.
Bagaman wala pang resulta ang swab test ay inilabas ang bangkay ni Santos sa pagamutan at ibinurol hanggang nalaman ng mga kaanak na positibo sa CoVid-19 nang bumalik sila sa ospital para ipaayos ang mali sa death certificate.
Lubos na nagtaka umano ang mga kaanak ni Santos dahil wala naman siyang sintomas ng CoVid-19 noong nabubuhay pa.
Dahil dito, agad na ipina-cremate ang bangkay ni Santos dahil ayon sa patakaran ng Department of Health, dapat sa loob ng 12 oras ay mai-cremate na ang isang taong namatay sa CoVid-19.
Samantala, isinailalim sa home quarantine ang pitong pamilya o 18 kaanak at kapitbahay ng namatay ngunit wala pang nakararanas sa kanila ng sintomas sa ksalukuyan.
Sa kabila nito, sinabi ng mga nasa home quarantine na apektado ng quarantine ang kanilang kabuhayan.
Sa taya ay aabot umano sa mahigit 100 ang pumunta sa burol at mga nakasalamuha nila at hindi pa sila sumasailalim sa swab test.
Dahil sa nangyari at abalang dinulot nito, plano ng pamilya na magsampa ng reklamo laban sa Bulacan Medical Center.
Sa pahayag ng Bulacan Medical Center, sinabi ng pamunuan na taos-puso silang nakikiramay sa pamilya ng namatay at lahat anila ng pasyente ay itinuturing na CoVid suspects at sumasailalim sa test.
Inamin ng ospital na nagkaroon ng kakulangan sa koordinasyon at sa kasamaang palad ay nai-release ang bangkay ng pasyente kahit hindi pa nabeberipika ang resulta ng swab test.
Pagpapaliwanagin din ang empleyadong nag-release ng bangkay upang malaman ng pamunuan ng ospital ang aksiyon na maaaring gawin. (MICKA BAUTISTA)