HARD TALK!
ni Pilar Mateo
INAMIN ni Angeline Quinto na sa sunod-sunod na pagdating ng mga dagok sa buhay niya kamakailan, kinuwestiyon na rin niya ang sarili kung may kabuluhan pa ba ang kanyang buhay.
Nawala ang pinakamamahal na inang si Mama Bob, na buong buhay na kumalinga sa kanya. At tinamaan din siya ng CoVid.
Hindi bumitaw si Angge sa kanyang pananampalataya sa Panginoon.
At ang sagot sa dasal niya, sa muling pag-ahon sa mga pinagdaanan ay isang endorsement. Na talaga rin namang sinikap na makuha siya dahil bukod sa naantig sa laman ng kanta niyang Patuloy Ang Pangarap, nakita ng mag-asawang Armie at Michael Agmata ang pagkakahawig ng mga dinaanan din nila sa buhay ng singer.
Pampaganda ang mga produkto ng mag-asawa. Na apat na taon na nilang inaalagaan dahil dumaan din sa hamon ng pandemya ang kalagayan ng Ayesha Beauty Products.
Sa paglulunsad ng kanilang mga produkto na dinaluhan ng kanilang mga distributor mula sa iba’t ibang panig ng bansa, tuwang-tuwa sila at proud na proud kay Angeline dahil ito ang magiging mukha ng kanilang mga produkto.
Naging emosyonal si Angge at si Armie sa pagbabahagi ng kanilang pagtatagpo. Parehong pinasasalamatan ang isa’t isa sa pagku-krus ng kanilang mga landas.
Hindi na makaka-get over si Angge sa pagkawala ng kanyang Mama Bob. At nang tamaan siya ng CoVid 19, marami raw na-realize ang dalaga.
“Na walang permanente sa buhay natin. Na any time, ano man mangyari sa bawat araw, ‘yun ang titingnan mo, ‘yung maliliit na mga bagay, na kung ano ang mayroon ka. Noong mangyari sa akin ‘yun, walang makapag-comfort sa akin. Nasa kuwarto lang ako.”
Sabi rin ni Angge, alam niyang walang naging pagkukulang sa kanya si Mama Bob at naihanda na siya nito sa buhay na kakayanin niya.
Kaya inihahanda na rin naman niya ang sarili sa lalaking makikilala na magpapaganda hindi lang sa tinatamasa na niyang glow ngayon, kundi sa magdaragdag pa ng kulay sa buhay niya.
“In God’s time! Ang pangarap ni Mama Bob sa akin, pagdating sa trabaho ko, nakamtan ko naman na. Siyempre, gusto na rin niya na magkaroon ako ng sariling pamilya at apo niya. Hindi na matatapos ang pangungulila ko kay Mama Bob. Sabi ko sa kanya, nagawa naman na niya ang misyon niya sa buhay. Kinuha na siya ng Diyos. Kaya, ni-let go ko na siya. ‘Yun lang sa room pa rin niya ako natutulog. Kaya walang natutulog sa room ko.”
Hindi mapigil ni Angge ang patuloy na maiyak dahil sa pagdating ng produktong ineendoso niya sa kanyang buhay. Ramdam niya ang hagupit ng pandemya dahil ang main bread and butter niya eh, nasa pag-awit at pagkakaroon ng shows, lalo na sa ibang bansa.
“Alam ko naman na matatapos din ang lahat ng ito. At napakarami kong dapat na ipagpasalamat sa buhay ko ngayon. May bago akong pamilya. Maganda rin kasi ang goal nila. Makatulong. ‘Yung kita ng negosyo nila, ibinabalik nila sa mga tauhan nila. Kaya, noong nalaman ko ‘yun, napahanga ako ng mag-asawa. Nakatutuwa nga. Noong una kami mag-usap-usap, ang tanong ni Kuya Michael agad sa akin eh, kung nega na raw ba ako. Sa CoVid! Haha. Pero seriously, alam ko na pangmatagalan ang partnership na ito.”
Ayos, ah! Arabic ang origin. Happy living. Na mukhang nagsisimula na uling mangyari kay Angge ngayon.