SIPAT
ni Mat Vicencio
KATAKA-TAKA kung bakit sa pinakahuling survey na ginawa ng Pulse Asia ay hindi isinama ang pangalan ni Senador Grace Poe sa mga posibleng tumakbo at manalo sa pagka-bise president sa darating na 2022 elections.
Tila may pananadya yata ang hindi pagsali ng kanyang pangalan sa listahan at isinama lang ang pangalan niya sa posibleng manalo sa pagka-presidente sa kabila na may deklarasyon ang senador na hindi na siya tatakbo sa pampanguluhang eleksiyon.
Pero kung tatakbo nga si Grace, walang kaduda-duda na mananalo siya sa pagka-bise presidente lalo na siguro kung ang tandem niya ay si Manila Mayor Isko Moreno.
Sa mga lumulutang na pangalang vice presidentiables, walang maaasahang panalo si Senate President Tito Sotto, Senator Bong Go, Senator Richard Gordon, Senator Sherwin Gatchalian at dating Senator Sonny Trillanes.
Maliban sa 2016 vice presidential loser at dating Senator Bongbong Marcos, ang lahat ng nag-aambisyong maging bise presidente ay sa kangkungan lamang dadamputin pagdating ng halalan.
Hindi maipagmamalaki ni Bongbong ang sinasabing “Solid North” na magiging baluwarte ng kanyang boto dahil tiyak na hindi pahuhuli ang mga supporter ni Grace na patuloy na nagmamahal sa kanyang amang si Fernando Poe, Jr., ang tinaguriang Hari ng Pelikulang Filipino.
Ang “magic” ni FPJ ay nagpapatuloy at malabong kaya itong gibain o banggain ni Bongbong sa darating na halalan.
At balikan natin ang Pulse Asia, patunay ito na malakas pa rin si Grace. Akalain n’yo bang sa kabila ng kanyang pagdedeklara na hindi na siya tatakbo sa pagkapangulo ay umani pa rin ng maraming boto. Pumasok sa ika-apat na puwesto, kahit hindi siya madalas makita sa mga balita ngayon at hindi sumasabay sa mga pang-eepal ng tatlong nasa unahan.
Talagang nakapagtataka lang kung bakit hindi siya isinama sa listahan ng pagka-bise presidente. Nanguna sa nasabing survey si Pangulong Duterte, Moreno, Sotto, at Marcos.
Kung isinama lang si Grace, baka siya ang nanguna.
Sa ngayon, hindi pa rin malaman kung talaga bang tatakbo si Grace sa pagka-bise presidente pero ang malinaw ay wala siyang deklarasyong binibitiwan hinggil sa nasabing posiyon maliban kung wala siyang planong tumakbo sa pagka-pangulo.
At kung tatakbo naman itong si Digong, nakow, hindi na dapat pinagpapapansin pa ngayon dahil siya ang taong walang isang salita!