“AATEND na ako kapag na-nominate uli ako, sayang eh.” Ito ang panghihinayang na nasabi ni Cristine Reyes dahil hindi siya nakadalo sa katatapos na 40th Oporto International Film Festival sa Porto, Portugal noong March 2020 na itinanghal siyang Best Actress.
Kinilala ang galing ni Cristine mula sa pelikulang Untrue ng Viva Films kasama si Xian Lim na ipinalabas noong 2019.
“Too bad kasi hindi ako nakasama. Parang hindi ko rin kasi ine-expect na (mananalo). Parang feeling ko, ‘hindi naman siguro ako mananalo.’ Sabi ko,‘parang malabo.’
“So, I didn’t go. But I guess Direk Sigrid Bernardo went,” ani Cristine sa face to face presscon ng Viva na ginanap sa Botejyu Estancia Mall para sa kanilang series ni Diego Loyzaga, ang Encounter.
Talagang nanghinayang si Cristine na hindi siya nakadalo lalo’t ito ang unang best actress trophy niya at tinalo ang mga kalaban na karamihan ay mga aktres mula sa Europe.
“Sayang, tinatanong ako ng Viva if I wanted to go to Portugal. Tapos hindi ako sumama. Next time, pupunta na ako,” paniniyak ng aktres.
Samantala, sa July 23 na mapapanood via streaming ang Encounter nila nina Cristine at Diego sa VivamaxPH at Vivamax Middle East (UAE, Saudi Arabia, Kuwait, Oman, Bahrain, and Qatar). Available ang Vivamax sa web.vivamax.net.
Ang Encounter na napapanood na sa TV5 tuwing Sabado, 9:00 p.m. ay ang Pinoy adaptation ng hit Korean series na pinagbidahan nina Song Hye-kyo at Park Bo-gum. Ang Pinoy adaptation naman ay idinirehe ni Jeffrey Jeturian.
– Maricris V. Nicasio