AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
MAG-ARAL ka muna!
Ang nakatatawang depensa sa pagbubunyag ni The Champ, Senator Manny Pacquiao kaugnay sa talamak na korupsiyon sa ilang ahensiya ng pamahalaan sa ilalim ng Duterte administration.
Ano pa? Reaksiyon din ng ilan ay ‘sourgraping’ lang daw ang ginawang expose ni Pacquiao dahil hindi niya nakuha ang suporta ng administrasyon o ng kanyang partido sa plano niyang pagtakbo sa pagkapangulo ng bansa sa 2022 elections.
Ano man ang ginagawang pagdepensa o paninira sa kredibilidad ni Pacquiao, matapos magsalita laban sa administrasyon sa pag-aakusa na talamak ang korupsiyon sa kasalukuyang administrasyon, ang dapat ay huwag balewalain ang expose.
Sa halip, seryosohin ang expose at kailangan magsagawa ng imbestigasyon sa mga tinukoy na ahensiya ng pamahalaan ni Pacquiao. Hindi iyong pagdepensang parang bata na umiiyak o nangangatuwiran.
Totoong bago naging senador si The Champ ay kulang ang kanyang kaalaman sa politika dahil undergrad ang senador pero habang nakaupo siya ay sinabing sinikap niyang mag-aral. Well, nandiyan nga iyong isyu na kinukuwestiyon ang kanyang natapos na political science. Para daw napakadali niyang tinapos ito sa University of Makati.
Ngunit, ano ba ang totoong isyu rito, ang pagkatao ba ni Pacquiao o kung sino siya bago naging Senador? Hindi lingid sa kaalaman ng milyon-milyong Pinoy na bomoto kay Pacquiao na kulang ang pinag-aralan nang siya ay tumakbo. Wala rin itinago ang Senador na born-again Christian.
Nang umpisahan ni Pacquia0 ang expose nitong nakaraang linggo, hinamon siya ni Pangulong Duterte na maglabas ng mga ebidensiya…at iyan naman ay tinanggap ng Senador.
Naunang kinana ni Pacquioa ay ang DOH at aniya’y ilalabas niya ang lahat ng ebidensiya. Pero bago siya lumipad patungong Amerika para sa kanyang pagsasanay para sa nakatakda niyang laban, tinira na ng senAdor ang DSWD tungkol sa Social Amelioration Program (SAP).
Anang Senador, may nawawalang P10.4 bilyon sa pondo ng SAP. Ha! Napakalaki nito ha. Kaya ba marami pang umiiyak na hindi pa rin nakakatanggap ng SAP sa kabila ng ilanG beses nang namigay ang DSWD?
Sinabi ni Pacquiao, nasa 1.3 milyong benepisaryo ng SAP ang hindi umano nakakuha ng tulong ngayong pandemya. Gano’n ba? Meaning , ang kanilang benepisyo (sana) ay nasa nawawalang P10.3 milyon? Iyon ba ang isa sa ibig sabihin ng senador?
Hindi lang DOH at DSWD ang mga ahensiyang tinukoy ni Pacquiao, mayroon pang iba. Pinabulaanan ng DSWD ang akusasyon.
Ang korupsiyon ay hindi na bago sa pandinig ng milyong-milyon Pinoy, manapa nabibingi na ang lahat. Sa bawat administrasyon ay may nabubukong korupsiyon sa kabila ng matinding kampanya laban dito – yes, may mga nakalulusot pa rin.
Ano pa man, hindi isyu o kinukuwestiyon dito kung sino ang nagbunyag ng korupsiyon, at sa halip dapat ay bigyan halaga ng pamahalaan lalo na’t hindi biro ang halagang sangkot…si Pacquiao man ito na sinasabing mag-aral muna ang nagbunyag o isang intelihente man, dapat pa rin seryosohin ng pamahalaan at imbestigahan.
Ang alam natin, galit ang Pangulong Digong sa mga corrupt kaya, mayroon na rin siyang mga pinakasuhan. Bukod sa batid natin lahat na seryoso ang pangulo sa kanyang gera laban sa korupsiyon, kaya huwag nang gawin pang isyu ang buhay ni Pacquiao. Sa halip, umpisahan na ang imbestigasyon para magkaalaman na…kasuhan ang mga corrupt!