AMINADO si Gigi de Lana na nahirapan siya sa ipinagawang challenge sa kanya, ang pagkanta ng Bakit Nga Ba Mahal Kita. Pero na-enjoy niya at ikinatuwa ang challenge na ito.
Hindi rin inaasahan ng commercial model/performer na ang impromptu challenge na pagtaas ng tono habang kinakanta ang Bakit Nga Ba Mahal Kita ay magba-viral.
Kuwento ni Gigi sa digital media conference sa pagpapakilala ng Star Magic ng mga bagong nilang kapamilya, in-enjoy lang niya ang pagkanta ng awiting iyon.
“Talagang binibiro lang ako ng mga kabanda ko noon. Hindi ko naman inurungan ‘yung kakwelahan ng banda ko and ‘yung challenge na ibinigay sa akin. Ang nagpasimuno po kasi talaga niyon, si Jake Manalo, ‘yung bahista ko. Kasi kung napanood niyo po ‘yung video namin, kinalabit niya po ‘yung MD ko tapos sabi niya (taasan ‘yung key). So ayun po,” kuwento ni Gigi.
Sinabi pa ni Gigi na, “Sobrang thankful po ako na nag-viral ‘yun. Mahirap talaga siya kasi ‘yung song na ‘yun. It’s not meant to be like that na parang ‘Love On Top’ na Tagalog.”
Umabot na sa mahigit 15 milyon views ang Bakit Nga Ba Mahal Kita challenge ni Gigi.
Sa kabilang banda, aminado rin si Gigi na kailangan pa niyang hasain ang kanyang acting skills. Nakasama na si Gigi sa Four Sisters Before the Wedding.
“Ngayon po nagwo-workshop kami, training, kasi siyempre sa ‘Four Sisters Before the Wedding,’ first time kong umarte. I really didn’t know exactly what I was doing. Kailangan ko pa siyang i-hone.
“Ang dami ko pang kailangan matutuhan. Alam kong hindi ako pababayaan sa ABS-CBN. Alam kong gagawin nila lahat para marating namin ‘yung goal namin. ‘Yung mga project naman, soon iyan. May ginagawa kami ngayon pero secret pa,” saad pa ni Gigi.
Si Gigi ay dating Tawag ng Tanghalan semifinalist at isa sa dagdag na artista ng Rise Artists Studio. Isa rin siya sa pumirma bilang talent ng Star Magic.
Malaki ang pasasalamat ni Gigi simula nang maging bahagi ng Star Magic at Rise Artists Studio.
Kasama ni Gigi na pumirma sa lumalaking pamilya ng Star Magic ang 19 pang seasoned actors, Star Hunt alumnus, at Rise Artist Studio.
Mas lumawak ang strategic partnership ng Star Magic sa Rise Artists Studio, Star Hunt, at sa iba’t ibang production units ng ABS-CBN, maging sa pakikipagtulungan sa mga co-management kagaya ng independent manager na si Arnold Vegafria at iba pa.
Nariyan sina John Arcilla, Angeline Quinto, Marc Solis, Sandino Martin, Lou Yanong, Kiara Takahashi, Ashley del Mundo, Tan Roncal, Richard Juan, Kobie Brown, Andi Abaya, Jayda, karina Bautista, Aljon Mendoa, JC Alcantara, Zach Castaneda, Shanaia Gomez, Alyssa Muhlach, at Kiko Estrada.
Abangan ang Star Magic Black Pen Day na isang milestone event para sa Star Magic sa Hulyo 18, 9:30 p.m. sa A2Z at Kapamilya Channel.
Maricris Nicasio