PUSPUSAN na ang preparasyon ni Roni Meneses sa gaganaping Miss Philippines Earth sa July 25. Bago sumabak sa beauty pageant na ito, si Roni ay naging Miss Mandaluyong 2020 muna.
Siya ay nagtapos ng BS Clothing Technology sa UP Diliman. Isinusulong niya bilang adbokasiya ang environmental vegetarianism. Siya ay anak ng former PBA star at ngayo’y Bulakan, Bulacan mayor na si Vergel Meneses.
Nabanggit ni Roni ang mga ginagawang preparasyon para sa beauty pageant na ito.
Lahad ng 26-year old na dalaga, “Well, siyempre mayroon po akong physical preparation. Siyempre kailangan na magpaganda ng katawan dahil mayroon tayong swimsuit competition, di ba? Kaya dapat na paghandaan po iyon.
“Tapos, mas pinaghahandaan ko po mentally din. Because I’m pretty sure na magiging mahirap din po ang mga itatanong sa amin regarding different issues po sa environment. So, talagang nag-aaral ako ngayon, I’m educating myself and I’m making sure na mapa-practice ko rin po ‘yung mga gusto kong maibahagi pagdating sa competition po.”
Aminado siya na may pressure na nararamdaman sa naturang beauty pageant. “Nakakakaba po, nakaka-pressure, ang dami naming candidates kaya matindi po ang laban,” pakli niya.
Sinabi rin ni Roni kung bakit Miss Earth ang pinili niyang salihang beauty pageant. “Kaya po Miss Earth ang sinalihan kong pageant ay dahil talagang sobrang nagustuhan ko po kasi ang kanilang advocacy at iyong mission ng Miss Philippines Earth na gusto talaga nilang i-encourage ang lahat ng tao na pangalagaan ang kalikasan and that’s something that I really want to do as well.”
Aniya, “I care about nature and our environment. So, naisip ko po na kapag sumali ako sa Miss Philippines Earth, mas magandang platform po ito para mai-share ko po ang advocacy ko at makatulong din po.”
Nonie Nicasio