NILAGDAAN ni President Rodrigo Duterte ang matagal nang isinusulong ni Senator Christopher “Bong” Go na pagbibigay ng death at burial benefits sa indigenous peoples mandatory representatives (IPMR) sa mga barangay na mamamatay sa panahon ng kanilang mga termino o panunungkulan.
Bago pa man kumandidato si Go sa pagiging Senador nitong 2019 ay pinangungunahan na niya ang panawagan noon na mabigyan ng tulong ang mga katutubong lider sa mga barangay bilang pagkilala sa naging panunungkulan sa kani-kanilang nasasakupan.
“Kinokomendahan ko po ang pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte noong June 18 ng Executive Order No. 139 na nagbibigay ng awtoridad sa pagbibigay ng death at burial benefits sa Indigenous Peoples Mandatory Representatives o IPMRs sa mga barangay. Malaki po ang maitutulong at maidudulot nito sa mga kababayan nating katutubo, lalo sa mga pamilya ng kanilang mga lider, sa gitna ng kasalukuyang pandemya,” pahayag ni Go.
Ang Executive Order No. 139 na nilagdaan ni Pres. Duterte ay nag-aatas sa Department of the Interior and Local Government at sa Department of Budget and Management at sa National Commission for Indigenous Peoples para sa paglalaan ng kabuuang halaga upang magamit sa IPMRs death and burial benefits.
Bunsod nito, ang EO 139 ay nagsasaad na ang compensation ay alinsunod sa itinatakda ng Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 8371 o ang Indigenous Peoples Right Act.
Batay sa isinasaad ng legislation, ang Indigenous peoples representatives sa lahat ng policy-making bodies at local councils ay kailangang may patas na karapatan bilang regular members ng legislative at policy-making bodies na kanilang kinabibilangan.
Noong 2019 ay inirekomenda ni Go sa Office of the President ang mabigyan ng P3,000 Christmas incentives ang mga elected barangay officials kabilang ang IPMRs bilang pagkilala sa dedikasyon ng kanilang panunungkulan sa kani-kanilang komunidad.
“Wala po kaming ibang hangarin ni Pangulong Duterte kundi ang kabutihan ng bawat Filipino dahil mahal namin kayo,” pahayag ni Go.
Inasistihan din ni Go ang indigenous communities na apektado ng pandemic at nitong May 20 ay nagkaloob ng tulong sa indigenous communities, dating mga rebelde at mga magsasaka sa Mati City, Davao Oriental na dumanas ng kahirapan dulot ng CoVid-19 pandemic.
Nagpahayag si Go na susuportahan ang pagpapagawa ng Masandag Tribal Village sa Tagum City, Davao del Norte para sa maayos na pabahay sa 400 members ng indigenous groups sa lugar at sa karagdagang tulong sa IP community.
“Sa wakas, matutupad na rin ang pangarap ng ating mga kapatid na Lumad na magkaroon ng sariling bahay, at inyo na talaga itong mga bahay,” pahayag ni Go sa kaniyang video message sa naging ceremonial Memorandum of Agreement signing, turnover of checks at groundbreaking ng tribal village housing noong May 19.