NADAKIP ang 14 suspek na may paglabag sa batas sa serye ng police operations na ikinasa sa lalawigan ng Bulacan, mula Sabado hanggang Linggo ng umaga, 27 Hunyo.
Gayondin, inaresto ang anim na drug peddlers sa isinagawang buy bust operations ng mga Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng mga pulisya ng Obando, San Miguel, at Malolos katuwang ang mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Nasamsam mula sa mga suspek ang 10 pakete ng hinihinalang shabu, dalawang pakete ng tuyong dahon ng marijuana, cellphone, timbangan, kalibre .38 revolver na kargado ng bala, motorsiklo, at buy bust money.
Dinala ang mga nadakip na suspek at ang mga nakompiskang ebidensiya sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office para sa drug test at laboratory examination.
Apat na suspek rin ang nasakote nang magresponde ang mga awtoridad sa mga krimeng naganap sa mga bayan ng Norzagaray, Pandi, San Miguel, at lungsod ng San Jose Del Monte.
Nadakip ang mga suspek sa paglabag sa PD 705 (forestry reform code), RA 9175 (Chainsaw Act), PD 1612 (Anti-Fencing Law), estafa, falsification of public documents, murder, at physical injury.
Kasalukuyang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga suspek na ihahain sa korte.
Arestado rin ang apat na pugante sa magkakahiwalay na manhunt operations na inilatag ng tracker teams ng Marilao at Norzagaray MPS.
Kinilala ang mga suspek na sina Jolina Gragas, alyas Joy-Joy, ng Brgy. Sta. Rosa, Marilao, arestado sa kasong murder; Ricardo Ponteres ng Brgy. Minuyan, Norzagaray sa paglabag sa COMELEC Resolution No. 7764; Ferdinand at Evelyn Gonzales, mga residente sa Brgy. Tigbe, Norzagaray, kapwa inaresto sa kasong falsification of public documents.
Inilagay ang mga akusado sa kustodiya ng kani-kanilang arresting stations para sa kaukulang disposisyon.
Ayon kay Bulacan police director P/Col. Lawrence Cajipe, hindi tumitigil ang mga tauhan ng Bulacan police sa pinatinding kampanya laban sa lahat ng uri ng krimen sa lalawigan at pagtitiyak na ang mamamayan ay sumusunod sa health protocols upang masugpo ang pagkalat ng CoVid-19 sa komunidad.
(MICKA BAUTISTA)