PINASALAMATAN ni Gobernador Daniel Fernando ang health workers at frontliners ng lalawigan ng Bulacan sa kanilang walang kapagurang paglilingkod sa mga Bulakenyo kasabay ng lalo pang pagbaba ng kaso hanggang 43% mula Mobility Week hanggang 19-20 Mayo at mula 8-22 Mayo, hanggang Mobility Week 21, 22-23 Mayo hanggang 5 Hunyo.
“Napanatili po natin ang pagbaba ng bilang ng mga kaso. I would like to congratulate and thanked our doctors and nurses, our medical frontliners and mga cluster head ng PTF at ang ating pulisya. Lahat kayo ay nagsumikap dito. Kitang kita naman natin sa ating mga datos,” anang gobernador sa ginanap na Provincial Task Force Meeting noong Huwebes sa pamamagitan ng Zoom application.
Sa ulat ni Dr. Hjordis Marushka Celis, PTF Response Cluster Head, apat porsiyento o 1,510 ng 37,997 kabuuang kompirmadong kaso ang aktibo, habang 94% o 35,666 ang gumaling at dalawang porsiyento o 821 ang namatay mula sa sakit.
Ipinarating din ng Gobernador ang kanyang kasiyahan sa pagsasailalim sa Bulacan, kasama ang Metro Manila, sa General Community Quarantine (GCQ) “with some restriction,” may bahagyang maluwag na protocol kompara sa GCQ “with heightened restrictions.”
“Pababa ang kaso at napakaganda ng ating nagiging laban kung babatayan ang datos sa ibang lalawigan sa paligid ng NCR. Nananatiling pinakamababa ang ating active cases mula simula until today. Nawa ay magpatuloy ang datos na ito dahil hindi na natin kakayaning bumalik pa sa mas mahigpit na quarantine status,” dagdag niya.
Umapela rin ang gobernador sa mga lokal na pamahalaan na mag-ukol ng mas maraming vaccination sites, ipatupad ang sistematikong master listing, at maglaan ng mas marami pang tagapagbakuna upang lalong mapabilis ang vaccination rollout sa lalawigan upang makamit ang herd immunity bago ang Pasko.
Noong 16 Hunyo, nakapagturok ang lalawigan ng kabuuang 208,195 doses ng bakuna laban sa CoVid-19, 161,607 para sa unang dose at 46,588 para sa ikalawang dose. (MICKA BAUTISTA)