BULABUGIN
ni Jerry Yap
KUNG epektibo na sa isang larangan, at doon nagiging matagumpay sa pagtulong, huwag nang hatakin patungo sa politikang tradisyonal dahil baka ito pa ang ikasira ng isang taong busilak ang pagtulong sa kapwa.
‘Yan po ang maipapayo natin sa mga nagsusulsol kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibulid sa ‘kumunoy’ ng bulok na politika ang matagumpay na TV host ng Wowowin na si Willie Revillame.
Totoong si Willie Revillame ay ilang beses nang nag-metamorphosis o nagbagong-anyo ng buhay sa showbusiness at maging sa kanyang personal na buhay, na pareho niyang napagtagumpayan, pero sana naman huwag nang sirain iyon ng mga sulsol at urot.
Masayang namumuhay ngayon ang entertainment personality na si Willie Revillame sa piling ng kanyang mga mahal sa buhay. Hindi rin nagbabago ang kanyang pagtulong sa kapwa sa pamamagitan ng kanyang programa sa telebisyon, kaya sana huwag na itong sirain ng mga taong naiinggit sa kinalalagyan niya ngayon.
Sabi nga, isang tunay na kaaway lang ang magpapayo sa isang tao na pumasok sa mundo ng politika. Lalo na kung busilak ang puso sa paglilingkod sa kapwa.
Dahil dito sa ating bansa, ang pagiging politiko ay pagpasok at pagtulong sa pag-ugit ng isang ‘bulok na sistema.’
Namamayagpag sa Philippine politics ang kasabihang, “if you can’t lick ‘em, join ‘em.”
Kaya please lang, spare Willie Revillame. ‘Wag na tayong magdagdag ng kenkoy sa Senado. Marami na sila roon.
Sana ang pagsikapan ng mga partido politikal ngayon na namamayagpag sa bansa ay maibalik sa lehislatura, lalo sa Senado at Kamara, ang mga tunay na statesman gaya nina Jovito Salonga, Ramon Mitra, Neptali Gonzales, Miriam Defensor Santiago, Lorenzo Tañada, Jose Diokno, at iba pang tunay na maipagmamalaki sa larangan ng politika.
Nakalulungkot na maraming mambabatas sa kasalukuyan ang nilamon ng pork barrel, at namayagpag dahil sa political dynasty at hindi sa merito ng isang pagiging tunay na statesman.
Only in the Philippines na ang mga dating contractor ng mga pagawaing bayan at nagpakabihasa sa General Appropriations Act (GAA) ay nagiging mambabatas. Kapag ang isang contractor ay kabisado ang GAA, alam na alam nila kung paano mag-aalok ng serbisyo sa mga politikong pulpol at puro pagawaing bayan ang inaatupag. At ang pinakamasama nga, pagdating ng araw, nakapapasok na sila sa lehislatura bilang miyembro nito kaya kalahok na sila mismo sa pag-aaproba ng GAA.
Ibig sabihin, sa simula’t simula, alam na nila kung saan iimbudo ang pondo ng gobyerno mula sa taxpayers money para roon salukin sa legal na pagmamaniobra.
Presto, jackpot na jackpot sila habangn ang buong sambayanang Filipino ay nakanganga.
Kaya kung pipilitin ng mga kaibigan ni Willie Revillame na papasukin siya sa bulok na politika, mababalewala ang lahat ng pagsisikap niya na pakainin sa malinis na paraan ang kanyang pamilya.
Unsolicited advice lang po kay Mr. Willie Revillame, ‘wag na ‘wag kang papasok sa magulong mundo ng politika.
‘Yun lang po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com