Wednesday , November 20 2024

Sec. Berna Romulo-Puyat tahasang ‘nambastos’ sa IATF health protocols at sa karapatan ng mga bata

BULABUGIN
ni Jerry Yap
PETITE and educated lady ang impresyon natin noon kay kasalukuyang Tourism Secretary Berna Romulo Puyat. Sa maikling salita, isa siyang kagalang-galang na babae sa lipunan.
Ilang posisyon na rin sa gobyerno ang nahawakan ni Madam Berna pero wala tayong nabalitaang kinasangkutan niyang iregularidad. Isa pa, siya ay lumaki at nagkaisip sa kandili ng pamilyang kinikilala sa larangan ng diplomasya, lehislatura, at pinansiya.
 
Kaya naman nagulat ang inyong lingkod nang sitahin siya ni Senador Nancy Binay dahil sa serye ng paglabag sa health protocols kaugnay sa lumabas na Instagram stories ng kalihim kasama si Scarlet Snow Belo, ang 6-anyos anak ng celebrity couple na sina Drs. Vicki Belo at Hyden Kho, sa pag-iikot sa tourism sites sa Bohol.
 
Noong Setyembre 2019, magugunitang hinirang ni Puyat si Scarlet bilang PH Tourism Ambassador.
 
Ngunit hindi ito lisensiya para labagin ang karapatan ng isang 6-anyos batang babae.
 
Lumalabas, base sa Instagram ni Secretary Berna, sa kanilang pag-iikot ay karay-karay niya ang 6-anyos batang babae na walang suot na facemask at face shield sa mga pampublikong lugar sa tour sites.
 
Sabi ni Senadora Nancy, “Allowing a six-year-old child to go around without facemask and face shield in tour sites and public areas, and for a member of Cabinet not practicing basic health protocols is flat out unacceptable.”
 
Hindi natin alam kung ang ginawang iyon ni Madam Berna ay may kaugnayan sa kanyang panawagan na payagan na ang mga bata o mga kabataan na makapunta sa mga tourist destinations ng bansa.
 
Para magbukas na rin daw ang mga establisimiyento at makapagbigay ng trabaho sa maraming Filipino.
 
Halos magdadalawang-taon na nga naman kasing nakakulong ang mga bata/kabataan at marami sa kanila ay naapektohan na rin ang mental health.
 
Maigi sana kung ang tahanan ng bawat Filipino ay may malaking solar at puwede silang mag-ikot-ikot. Pero hindi nga lahat ng tahanan ay mayroong ganoong estruktura ng tahanan.
 
Sa totoo lang, kung naglalakad-lakad si Secretary Berna sa mga tourist spots sa Metro Manila gaya sa Intramuros, sa Roxas Blvd., sa mga lansangan ng bawat lungsod, may makikita siyang pami-pamilya na mayroong mga bata, ang iba ay mga sanggol pa, na natutulog sa bangketa.
 
At lalo silang dumami ngayon panahon ng pandemya. Marami sa kanila ay hindi na nakauwi sa kanilang mga probinsiya, nawalan ng trabaho, at pinalayas ng mga inuupahang bahay o kuwarto.
 
Positibo sana ang panghihikayat ni Madam Berna sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na payagan na ang mga bata sa mga tourist destinations at magtakda na lamang ng limitasyon o restriksiyon.
 
Pero nagkaroon ng pagdududa ang ilang opisyal ng pamahalaan dahil nga sa ginawa niyang pag-iikot sa tourist spots sa Bohol kasama si Scarlet nang wala man lang facemask at face shield.
 
Hindi ba’t sinabi na ng mga eksperto, ang mga bata ay maaaring hindi maigupo ng CoVid-19 kapag nahawaaan sila, pero puwede silang maging ‘tagapagdala’ o ‘tagapagpasa’ ng virus.
 
E kung ‘yung nag-iisang batang babae ‘e nalimutang pagsuutin ng facemask at face shield, paano pa kaya kung maraming bata ang nasa tourist sites, lalo na kung beach o resort?
Hindi kaya naisip ito ni Madam Berna nang i-showcase niya sa Scarlet sa Bohol?!
 
Tsk tsk tsk…
 
Ang tanong ngayon iuutos kaya ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestohin o ikulong si Secretary Berna dahil sa paglabag sa CoVid-19 health protocols?
 
Ganoon din ang mga magulang ni Scarlet, dahil pumayag silang ipagala ang kanilang anak nang walang proteksiyon laban sa CoVid-19.
Sabi nga, sa ilang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People, malimit niyang murahin ang mga mamamayan na lumalabag sa health protocols sanhi ng pagkalat ng CoVid-19.
 
Naunang inatasan ng Pangulo ang mga pulis na dakpin ang health protocol violators pero sa daan-daang libong naaaresto ng mga awtoridad mula noong isang taon, wala tayong nabalitaang politiko o celebrity ang kanilang nasakote.
 
Kabilang sa mga naging kontrobersiyal dahil sa sinabing paglabag sa health protocols pero hindi inaresto ay sina dating PNP chief Gen. Debold Sinas, Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Presidential Spokesman Harry Roque, at Tim Yap.
 
Ngayon, Madam Senator Nancy Binay, kayo na po ang sumagot sa tanong: “Dapat pa bang ituloy ang mga plano at balakin ng Tourism na buksan sa kabataan ang mga tourist destinations sa bansa?”
 
Pakisagot na nga po!
 
 
 
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
 

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *