BULABUGIN
ni Jerry Yap
HALOS mahigit isang taon na ang nakararaan mula nang pumutok ang multi-billion dollar Wirecard scandal ngunit tila ngayon lang natauhan ang ating gobyerno upang papanagutin ang mga personalidad na nasangkot sa eskandalong ito.
Sa isang formal complaint ng National Bureau of Investigation (NBI) at Manila-based Bank of the Philippine Islands noong 31 Mayo, hinainan ng reklamo sina Wirecard COO Jan Marsalek, dating Assistant Secretary ng Department of Transportation (DOTr) Atty. Mark Kristopher Tolentino, at iba pa, sa opisina ng Prosecutor General sa Department of Justice.
Si Marsalek na isang Australiano at sinasabing pangalawa sa pinakamataas na opisyal sa Wirecard ang itinuturong mastermind at pinaghihinalaang tumangay ng 1.9 bilyong Euros o katumbas ng 2.1 bilyong US dolyares.
Matapos madiskubre na nakapasok ng bansa si Marsalek ay dalawang opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang agad inimbestigahan dahil sa paglutang ng kanilang pangalan na nagpalsipika umano ng arrival and departure records ng pinaghahanap na suspek.
Sina Immigration Officers Perry Michael Pancho at Marcus Nicodemus ay kapwa sinampahan ng kaso dahil sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act at Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Kapwa tumanggi sa partisipasyon ang dalawang Immigration Officers ngunit base sa kuha ng CCTV cameras at sa records sa database ng ahensiya, lumutang pareho ang kanilang pangalan na umano’y nag-facilitate sa pagpasok at paglabas ng bansa ni Marsalek.
Magkano ‘este’ ano kaya ang dahilan at inalalayan nila si Marsalek?
Sa ngayon ay wala pa rin makapagsabi ng eksaktong kinaroroonan ng suspek, maliban sa siya’y pinaghihinalaan na nasa Belarus sa kasalukuyan.
Dalawang Austrian nationals din ang kapwa naaresto na at sinasabing sangkot din sa kaso ng Wirecard scandal.
Aba, dapat lang na madaliin ‘yan at malapit na ang eleksiyon sa 2022.
Baka maglahong parang bula na naman ‘yang mga ‘yan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com