MATABIL
ni John Fontanilla
NGAYON pa lang ay ramdam na ang nalalapit na 2022 election sa pagsulpot ng iba’t ibang pa-goodvibes ads ng mga politiko lalo na sa social media na ipinakikita ang kanilang mga nagawa at proyeko sa kanya-kanyang termino.
Pero mautak na ang mga Pinoy na may kanya-kanya ring bet sa kung sino-sino nga ba ang nararapat tumakbo at iboto sa 2022 election.
Isa sa basehan ng mga Pinoy sa mga maluluklok at susunod na uupo sa gobyerno ay ang mga taong kumikilos, nagtatrabaho, at tumutulong lalo na ngayon sa panahon ng pandemya.
At isa nga sa nililigawan at inaalok para tumakbo sa susunod na eleksiyon ay ang Philanthropist at CEO & President ng Frontrow na si Direk Raymond RS Francisco dahil sa bukas palad at buong puso nitong pagtulong sa mga nangangailangan.
Pero mukhang wala sa isip ni Direk RS na pasukin ang politika, dahil ‘di naman porke tumutulong siya ay tatakbo na at papasukin ang politika.
Ayon nga kay Direk RS, ”Ayaw ko pasukin ang politika, hindi ako bagay doon.
“Hindi naman porke’t tumutulong ako sa kapwa natin Filipino eh tatakbo na ako at papasukin ang politika.
“Puwede ka naman tumulong kahit hindi ka politiko, sa pagtulong naman hindi kailangan kung ano ang posisyon mo sa gobyerno, kahit ordinaryong tao ka at gusto mong tumulong sa abot ng iyong makakaya okey na ‘yun.
“Basta ako tutulong ako sa abot ng aking makakaya katuwang ang mga pamilya ko sa Frontrow.
“Hangga’t may nangangailangan ng tulong sa mga kababayan natin, nandito lang ako at ang Frontrow para tumulong,” pagtatapos ni Direk RS.