AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
HANGAD ni PNP Chief, PGen. Guillermo Eleazar na maibalik ng publiko ang kanilang…kung maaari ay siyento porsiyentong pagtitiwala sa pulisya.
Simula nang maupo si Eleazar nitong 7 Mayo 2021 sa pinakamataas na trono ng PNP, naging prayoridad niyang linisin ang PNP. Napakarumi na nga siguro dahilan kaya bagsak ang grado ng pulisya pagdating sa sagot ng publiko kung nagtitiwala pa ba sila sa PNP.
Bagaman, kahit paano ay marami-rami pa rin naman ang nagtitiwala sa mga pulis ngayon, lalo nang makita at masaksihan nila kung paano dinidisiplina ni Eleazar ang kanilang hanay ngayon.
Pero sa kabila ng kanyang kampanya, mukhang hinahamon ng tadhana si PNP Chief. Yes, sinisikap ni Eleazar ang lahat pero, nakalulungkot ang mga balita nitong mga nakaraang linggo…pulis pumatay este, nakapatay pala ng ‘special child’ sa isang tupada sa Valenzuela City dahil nang-agaw umano ng baril.
Ngunit hindi ito nakalusot kay Eleazar, agad niyang pinaimbestigahan ang insidente. Hayun, lumabas ang katotohanan. May mga lumantad na saksi… nagsasabing, pinatay ang bata at walang nangyaring agawan ng baril.
Lakas loob na lumabas ang mga saksi dahil tiwala sila kay Eleazar. Naniniwala silang seryoso si Eleazar sa kanyang kampanya – paglilinis sa hanay ng PNP.
Kaya, ang pulis ngayon na nakapatay sa special child at ilan niyang kasamahan sa raid – tupada daw ay…ano, malamang na sising-sisi? Hindi kung hindi, pero naghahanap sila ng pinakamagaling na abogago ‘este’ abogado na magtatanggol sa kanya para pasinungalingan ang akusasyon. Karapatan mo iyan bok, pero sa ngayon ang pulis ay nasa floating status.
Kasunod nito, isa na namang hamon ang kinahaharap ni Eleazar…pulis-Crame, si P/MSgt. Hensie Zinampan – pumatay ng isang matandang babae, Lilibeth valedez, 52 anyos, ng Brgy. Greater Fairview, QC. Pinatay ng pulis ang matanda dahil sa galit. Nakasuntukan ng pulis ang anak ng biktima. Ang babaeng biktima nga pala ay kapitbahay at labandera din ng pulis.
Walang-awang binaril at pinatay na parang hayop ng pulis ang biktima sa harapan ng isang tindahan sa Quezon City…yes, lasing noon ang pulis nang patayin ang babae.
Sa mabilisang pagresponde ng QCPD, agad naaresto ang pulis at ngayon ay nakakulong sa QCPD – Criminal Investigation and Detection Unit detention cell sa Kampo Karingal.
Isa pa…pulis binaril at pinatay naman ang kabaro dahil lamang sa pagkatalo sa bunong braso. Sinasabing binaril at pinatay ni Patrolman Sherwin Rebot ang kabaro niyang si Cpl. Higinio Wayan nakatalaga sa QCPD Kamuning Police Station 10. Hayun, inaresto at dinisarmahan na ang pulis bukod sa kinasuhan ng homicide base sa salaysay ng saksing isang sibilyan na kainoman ng dalawang pulis.
Sadyang hinahamon talaga ng tadhana si Eleazar…lamang ang kagandahan dito ay hindi nagpapadala sa hamon si Eleazar, lalo siyang nanindigan sa kanyang kampanya. Binalaan na rin ni Eleazar ang mga pulis na hindi makalalagpas sa kanya ang lahat ng kanilang kalokohan kung hindi…
Well, ang tatlong insidente ay hindi nakalusot kay Eleazar, ang mga pulis na sangkot sa krimen ay may ‘pinaglagyan.’ Hindi kinonsinti ni Eleazar ang lahat.
Ngayon, nahaharap na naman si Eleazar sa isang hamon…ang maluwag na operasyon ng jueteng sa Caloocan City. Ipinagmamalaki ng operator na si alyas Renel na ilang opisyal ng Caloocan Police Station at Northern Police District ang nagbigay basbas para magpalaro ng ‘tengwe’ sa Caloocan.
Tatlong beses sa loob ng isang araw ang bola ng winning combination ni Renel, tuwing 11:00 am, 4:00 pm at 8:00 pm.
Sa Kankalo, talamak din ang lotteng nina alyas Boyong at alyas Tisay.
Kapag makarating ang impormasyon na ito kay Eleazar… sigurado ako na kanyang ipasasara at ipasasalakay ang mga pasugalan bago pa may mangyaring krimen tulad ng nangyari sa tupadahan na isang special child ang sinasabing napatay/pinatay ng isang pulis.
Abangan… tiyak na aaksiyonan ito ni Eleazar dahil walang Renel, Boyong, at Tisay, kung walang basbas ang ilang opisyal ng Caloocan Police at NPD. Tama? Tama!