MATAPOS ang mahigit apat na taong pagtatago sa batas, naaresto ng mga awtoridad sa lalawigan ng Bulacan ang isang puganteng pinaghahanap ng batas sa Eastern Visayas na nagtatago sa lungsod ng San Jose del Monte, nitong Sabado, 5 Hunyo.
Ayon kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PPO, nagtulong-tulong ang mga elemento ng 1st Platoon, 2nd PMFC, Warrant Section ng SJDM CPS, 301st RMFB 3, RIU 3, RIU 8, RID PRO 8, Leyte MPS, PIU Leyte PPO, at 804th MC RMFB 8 sa ikinasang manhunt operation sa Brgy. Minuyan Proper, sa nabanggit na lungsod.
Kinilala ang nadakip na suspek na si Elmar Ligutan, 32 anyos, delivery driver, at residente sa Blk. 2 Lot 2 Winter Breeze Subd., Upper Quarry, sa naturang lugar.
Napag-alamang si Ligutan ay nakatala bilang Top 3 Most Wanted Person sa Eastern Visayas o Region 8 at nagpalipat-lipat ng tirahan upang makaiwas sa mata ng batas.
Nabatid na may standing warrant of arrest ang suspek para sa tatlong bilang na kaso ng Sexual Abuse at Rape na nakapagtago nang mahigit apat na taon bago naaresto ng mga awtoridad sa lungsod ng San Jose del Monte. (MICKA BAUTISTA)