ARESTADO ang isang lalaking itinurong pumatay sa kanyang kapitbahay, pati ang dalawa pang suspek na may paglabag sa batas sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang Linggo ng umaga, 30 Mayo.
Batay sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, kinilala ang suspek sa pamamaslang ng kanyang kapitbahay na si Manuel Santos, 51 anyos, at residente sa Brgy. Pulong Bayabas, bayan ng San Miguel, sa nabanggit na lalawigan.
Nadakip ang suspek ng mga nagrespondeng tauhan ng San Miguel Municipal Police Station (MPS) matapos makatanggap ng ulat na may naganap na pamamaril sa naturang barangay.
Sa imbestigasyon, nabatid na binaril ng suspek nang walang dahilan ang hindi na pinangalanang biktima sa kanilang bahay, na sinabing kanyang pinagtripan gamit ang kalibre .45 baril.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng San Miguel MPS ang suspek habang inihahanda ang mga kasong Murder, Frustrated Murder, at paglabag sa RA 10591.
Samantala, nadakip ng mga operatiba ng Provincial Intelligence Unit (PIU) at Marilao Municipal Police Station ang suspek na kinilalang si Jaymar Manalo, 23 anyos, ng Brgy. Lambakin, bayan ng Marilao, matapos magbenta ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu sa isang poseur buyer sa naturang lugar.
Nakuha ng mga awtoridad mula sa suspek ang 27 selyadong plastic sachet ng hinihinalang shabu at buy bust money.
Nadakip din ang suspek na kinilalang si Eduardo Sumaya, 38 anyos, ng Brgy. Bagumbayan, sa bayan ng Bulakan ng mga tauhan ng Bulakan Municipal Police Station (MPS) nang dalawang beses sinampal, itinulak, at pagbantaang papatayin ang kanyang biktima.
(MICKA BAUTISTA)