ni Almar Danguilan
Holdapan sa Batangas Port sinolusyonan ni Tugade
NAGING suliranin din pala ang masasabi sigurong ‘petty crimes’ sa labas ng pantalan sa Batangas. Karamihan sa biktima ay mga biyahero o pasaherong papasok sa pantalan papunta sa iba’t ibang lugar, maaaring sa Visayas o Mindanao.
Sinasabing mga kumikilos na nambibiktima o nanghoholdap ng mga pasahero ang grupong ‘Layang-Layang.’
Ang kanilang estilo ay tutok kalawit, pandurukot, snatching at iba pa.
Petty crimes nga bang maituturing ang mga ito? Petty crimes man o hindi, krimen pa rin ang lahat. Saan ba nag-uumpisa ang malakihang krimen o holdapan, e ‘di sa sinasabing petty crime. Meaning, bago pa lumaki ang krimen ay kinakailangan agad masawata o madurog na.
Linawin natin ha, ang krimen ay madalas na nangyayari sa labas ng Batangas Port. Bago makapasok ang mga pasahero ay nabiktima na sila partikular doon sa sinasabing Yellow Pedestrian Gate. Bago makapasok sa gate ang mga pasahero, hayun nadale na sila ng mga hunghang na grupong “Layang-Layang.”
Minsan nga raw, nakapapasok sa port ang tropa ng ‘Layang-Layang’ at nakapangbibiktima pa.
Ang problema ay winakasan na – nang solusyonan ito ni Transportation Sec. Arthur Tugade. Iyan ang sabi sa atin ng makapagtitiwalaang ‘insider’ sa Batangas Port.
Katunayan, isa sa naging biktima na rin dito ang sasakyan ng isang retiradong hepe ng PNP nang basagin ang bintana ng kanyang sasakyan at pagnakawan habang nakaparada sa nasabing lugar.
Kaya, simula nang kumilos si Tugade, halos wala nang nangyayaring krimen at kung nakalulusot man ang ‘Layang-Layang’ ay malayo-layo na sa port area sila nakapambibiktima.
Yes, sumaklolo agad ang lolo este, ang Kalihim. Ipinag-utos niya sa pamunuan ng pantalan na kinakailangang masolusyonan ang karaingan ng mga pasahero – inatasan ni Tugade si Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Daniel Santiago na ikandado ang naturang daan o lagusan upang tuluyan nang wakasan ang krimen sa lugar. Kung baga, ipinasara ni Tugade ang lagusan sa sinasabing yellow pedestrian gate.
Kasama ang pribadong operator ng PPA sa Batangas Port na Asian Terminal Incorporated (ATI) ay inilipat sa Main Gate ang daanan ng mga pasahero upang ligtas sila mlaban sa mga mandurukot, mangongotong, magnanakaw at tutok kalawit.
“Talamak sa lugar na iyon ang pipilitin kang bumili ng panutsa na sobrang taas ang presyo na kahit ayaw mo ay mapipilitan kang bilihin dahil nakatutok ang kutsilyo sa tagiliran ko,” ibinida naman ng isang pasahero na ayaw magpabanggit ng pangalan.
Hayun, nang ipasara ni Tugade, at pamunuan ng PPA at ng nabanggit na pribadong kompanya ang lagusan sa yellow pedestrian gate at inilipat na sa main gate, matiwasay nang nakabibiyahe ang mga pasahero.
Nakapag-uuwi sila ng kompletong pasalubong – pera at iba pang kagamitan.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
ni Almar Danguilan