Bulacan tumanggap ng karagdagang 76,801 doses ng Astrazeneca vaccines
SA LAYONG makamit ang 70% herd immunity at para proteksiyonan ang mga Bulakenyo, tumanggap ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ng karagdagang 76,801 doses ng AstraZeneca vaccines mula sa pamahalaang nasyonal nitong Martes, 11 Mayo, at inilagay sa nakatalagang cold storage room ng lalawigan sa Hiyas ng Bulacan Convention Center.
Ayon sa Provincial Health Office, may kabuuang 46,504 (54.05%) indibiduwal batay sa alokasyon ng bakuna para sa priority population mula sa pangkat A1 hanggang A3 kasama ang frontline health workers at mga propesyonal; senior citizens na may edad 60 pataas; at mga indibidwal na may comorbidities ang nakatanggap ng unang dose ng bakuna habang 5,751 (6.93%) dito ang nabakunahan na para sa ikalawang dose nitong Lunes, 10 Mayo.
Ang karagdagang 76,801 bakuna ay gagamitin sa mga natitira pang grupo mula sa priority population.
Sinabi ni Gobernador Daniel R. Fernando kahit paunti-unti, pagsusumikapan ng pamahalaang panlalawigan na makapagbakuna ng mga Bulakenyo hangga’t maaari at hanggang may available na mga bakuna.
“Dahil limitado pa rin ang mga bakuna na available dito sa atin, pagsusumikapan ng ating pamahalaang panlalawigan na matugunan at mabakunahan ang mga Bulakenyo hangga’t maaari, habang may dumarating sa ating mga bakuna. Kahit paunti-unti, alam ko makakamit natin ang proteksiyong ating kinakailangan para labanan ang CoVid-19,” anang gobernador.
Samantala, nagsimula kahapon ang pagbabakuna ng pangalawang dose ng vaccine sa mga empleyado mula sa mga National Government Agencies (NGA) at mga kawani ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan at catch-up vaccination matapos ang unang dose ng mga nasa priority groups kabilang ang health workers, senior citizens at mga indibidwal na may comorbidities (pangkat A1, A2 at A3).
Kahapon, naitala ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) ang may 28,066 kompirmadong kaso na may 24,940 (89%) kabuuang bilang ng mga gumaling; 646 (2%) kabuuang bilang ng mga namatay; 70 fresh cases at 24 late cases. (MICKA BAUTISTA)